Pangungunahan ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, hepe ng Philippine National Police (PNP), ang pagbubukas ng 24th Defense & Sporting Arms Show (DSAS) bukas, Hulyo 14, sa MegaTrade Hall, SM Megamall, Mandaluyong City.
Makakasama ni Dela Rosa ang iba pang senior official ng PNP, kabilang ang mula sa Civil Security Group (CSG) at Firearms and Explosives Office (FEO) na katuwang ng Association of Firearms and Ammunition Dealers of the Philippines, Inc. (AFAD) sa pagsusulong ng responsible gun ownership sa bansa.
Pinuri ni Atty. Hector Rodriguez, AFAD president, ang direktiba ni Pangulong Duterte sa lahat ng ahensiya ng gobyerno na bawasan ang requirements at pabilisin ang pagpoproseso ng mga transaksiyon sa mamamayan.
Iba’t ibang modernong armas, gun accessories at shooting apparel ang makikita sa exhibit area na roon nakibahagi ang mahigit 50 malalaking gun manufacturer at dealer na handang tumulong sa mga customer.
Sa limang-araw na gun show, naglaan din ang AFAD ng booth para sa PNP Special Action Force (SAF) bilang pagpupugay sa mga miyembro nito na namatay dahil sa pagtupad sa tungkulin.
Mayroon ding booth ang Government Arsenal, isang ahensiya ng Department of National Defense (DND), na roon makikita ang mga makabagong armas de giyera ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Bilang bahagi ng tradisyon, magbibigay din ng libreng seminar ang AFAD sa pag-a-apply ng License to Own and Possess Firearms (LTOPF), responsible gun ownership, self-defense at disaster survival techniques.
Tuloy din ang joint project ng PNP-FEO at AFAD sa pagsasagawa ng Firearms Caravan na tutulong sa mga aplikante ng LTOPF at license renewal sa events venue.
Upang makaiwas sa pila sa venue entrance, maaaring punan ang pre-registration form sa www.afad.ph/dsas.