Naghain ng petisyon sa Korte Suprema ang dalawang kasapi ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) para kuwestiyunin ang Philippine National Police (PNP) at National Police Commission (Napolcom) sa mga serye ng pagpatay sa mga sinasabing sangkot sa ilegal na droga sa bansa.
Nitong Lunes ay personal at pormal na naghain ng petisyon sa Supreme Court (SC) si Atty. Ric Valmonte kasama si Atty. Ramon Matignas Jr., upang pagpaliwanagin ang pamunuan ng PNP at Napolcom kaugnay ng sunud-sunod na pagpatay sa mga sinasabing sangkot sa ilegal na droga sa iba’t ibang panig ng bansa, na nagsimula noong Hunyo 30.
Base sa siyam na pahinang petisyon na na inihain nina Valmonte at Matignas, kinuwestiyon nila ang PNP at Napolcom sa kawalan umano ng imbestigasyon sa mga pulis na nagsagawa ng anti-drug operation at nakapatay sa mga hinihinalang drug dependent.
Ang petisyon ay ibinatay ng dalawang abogado sa balitang lumabas sa isang broadsheet.
Sa mga operasyon na humantong sa pagpatay, nagtatanong ang dalawang abogado kung bakit walang ginagawang imbestigasyon ang Napolcom laban sa mga pulis na sangkot sa pagpatay sa mga sinasabing sangkot sa droga o kriminal.
Bigo naman umano ang PNP na gampanan ang tungkulin nito sa pagpapatupad ng batas.
“Ang Napolcom, hindi nila iniimbestigahan ang mga pulis na nakapapatay ng sinasabi nilang drug dependent o kriminal.
Walang aksiyon dito, binabalewala lamang nila. Sa panig naman ng PNP, hindi rin sila gumagawa ng imbestigasyon sa mga pulis na nakakapatay ng drug dependent o kriminal, ipinapakitang balewala lang ang pagpatay, malinaw na paglabag ito sa probisyon ng Konstitusyon,” ani Valmonte. (Beth Camia)