WALANG kaduda-duda na ang halos P1 bilyong halaga ng shabu na nakumpiska noong nakaraang Linggo ng pinagsanib na anti-narcotics group ng pamahalaan sa Barangay Culao, Claveria, Cagayan ay patunay lamang na kontrolado pa rin ng mga sindikato ang mga coastal town sa bansa, gaya ng ginagawa nila noong dekada 90.
Ayon sa impormante kong dating miyembro ng New People’s Army (NPA) na dinala ko sa Camp Crame upang magbigay ng A-1 information hinggil sa sindikato ng droga sa Timog Katagalugan – paborito raw ng mga drug lord na kontrolin ang mga baybaying lugar sa bansa sa pamamagitan ng mga pulitikong tinulungan nilang mahalal na mga coastal town mayor kung saan sila nagbababa ng mga epekto sa paggawa ng droga.
Ang mga opisyales na ito ng pamahalaang lokal ang pangunahing dahilan kaya’t hindi nagtatagumpay ang anumang operasyon ng pamahalaan laban sa malalaking sindikato ng droga sa bansa.
Sobra na umanong narahuyo ang mga ito sa laki ng perang tinatabo nila kapalit ng proteksiyong ibinibigay nila sa mga drug lord kung kaya’t ‘yung iba sa kanila ay pinasok na rin ang pagluluto at pagtutulak ng droga.
Ayon naman sa isang operatiba, dati raw ay sa mismong bayan na bagsakan ng mga kemikal mismong iniluluto ang mga shabu ngunit dahil nag-iiwan ng mga bakas sa lugar ay inilipat na ng mga sindikato ang pagluluto ng shabu sa loob ng malalaki pero tagong subdibisyon sa iba’t ibang siyudad gamit ang mga makabagong aparato kaya’t sa ngayon ni usok at amoy ay walang bakas na naiiwan.
Halos mag-iisang taon nang walang resulta ang impormasyong ibinigay namin sa PNP ng kasama kong impormante – nang biglang makatanggap ako ng tawag mula sa isang opisyal na nakakaalam sa proyekto at ibinalitang nagpositibo ang impormasyon at halos isang toneladang shabu, na bilyong piso ang halaga, ang nakumpiska sakay ng isang ambulansiya at kasama pang naaresto ang vice mayor sa isang coastal town sa lalawigan ng Quezon.
Tuwang-tuwa ang impormante. Milyong piso kasi ang posible niyang matanggap na pabuya ayon sa batas, pero ito ang siste: Makaraan ang ilang araw, lumabas ang opisyal na pahayag ng PNP na nagpapasalamat sa impormasyong ipinagkaloob umano ng Drug Enforcement Agency (DEA) ng United States of America (USA) na naging basehan ng matagumpay nilang operasyon.
Ano ang nangyari sa aming A-1 info ng impormante? (Sundan sa Biyernes ang karugtong)
Contact: Globe: 09369953459/Smart: 09195586950/Sun: 09330465012 o kaya’y mag-email sa: [email protected]
(Dave M. Veridiano, E.E.)