IPAPALABAS ang likha ni Lav Diaz na Hele sa Hiwagang Hapis sa Indonesia bilang kalahok sa Arkipel–Jakarta International Documentary and Experimental Film Festival sa Agosto 17-26 .
Sumali ang halos walong oras na pelikula sa international section ng nasabing patimpalak, matapos nitong makamit ang Silver Bear Alfred Bauer Prize sa 66th Berlin International Film Festival noong nakaraang Pebrero.
Ipinapalabas din ito sa kasalukuyan sa International Film Festival sa Jerusalem na tatagal hanggang Hulyo 17.
Mapapanood din ang Hele sa Melbourne International Film Festival sa Hulyo 31.
Pinagbibidahan ang Hele Sa Hiwagang Hapis nina John Lloyd Cruz at Piolo Pascual, kasama sina Angel Aquino, Cherie Gil at iba pang mga batikang actor sa industriya. Ito ay mula sa produksiyon nina Paul Soriano at Bianca Balbuena.
Ang pelikula ay tungkol sa paghahanap ni Gregoria de Jesus sa katawan ng kanyang yumaong asawa na kakabit ng kwento ng pagtakas at pagkabigo ng sinimulang rebolusiyon nina Isagani at Simoun mula sa nobela ni Jose Rizal na El Filibusterismo.
Kilala si Diaz bilang direktor na gumagamit ng mahahabang camera shots katulad sa nakaraang obra niya na Norte, Hangganan ng Kasaysayan. Layunin niya na sa pelikulang ito ay mapag-usapang muli ang kultura ng Pilipinas.
“Ang ganda ng kasaysayan natin, may ‘pinaglaban ang mga bayani natin, harapin at yakapin natin ito and we can be a beautiful country one day,” aniya. (CHRISTIAMARIE LUGARES)