Sinampahan na ng patung-patong na kasong kriminal sa Sandiganbayan si dating Department of Agriculture (DA) Secretary Arthur Yap at si dating Nueva Ecija 4th District Rep. Rodolfo Antonino kaugnay ng umano’y pagkakadawit nila sa multi-bilyong pisong pork barrel fund scam noong 2007. 

Sa ruling na inilabas ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at malversation of public funds ang iniharap ng anti-graft agency laban kina Yap at Antonino.

Ipinagharap din ng kahalintulad na asunto si dating National Agri-Business Corporation (NABCOR) President Alan Javellana, at mga empleyadong sina Rhodora Mendoza, Encarnita Cristina Munsod at Maria Ninez Guañizo.

Hindi rin nakalusot sa pagsasampa ng kaso ang mga pribadong indibiduwal na sina Marilou Antonio, kinatawan ng Buhay Mo Mahal Ko Foundation, Inc. (BMMKFI); at Carmelita Barredo, ng C.C. Barredo Publishing House.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Natukoy sa imbestigasyon ng Ombudsman na inendorso ni Antonino sa DA ang NABCOR at BMMKFI bilang mga tagapagpatupad ng livelihood training kits (LTK) project.

“The BMMKFI, upon the approval of Antonino, procured from C.C. Barredo 7,275 sets of LTKs worth P2,000 each for a total of P14.55 million on March 22, 2007. A day after, C.C. Barredo supposedly delivered the LTK on Roxas Boulevard in Manila and were supposedly personally received and acknowledged by Antonino,” ayon sa Ombudsman.

Natuklasan din ng Ombudsman na hindi nagkaroon ng livelihood kit distribution at isa lamang umano itong “ghost project” dahil itinatanggi ng ilang lokal na opisyal ng Nueva Ecija na tumanggap sila ng anumang LTK.

Hindi rin umano naging metikuloso ang pagpili sa isang NGO na magpapatupad ng proyekt,o at hindi rin nagkaroon ng public bidding sa pagbili ng LTK. (Rommel P. Tabbad)