MAYROONG naglalabasang kuwento na ang mga pinahihinalaang sangkot sa droga na inaaresto ng mga pulis ay humihiling na maposasan sila na ang kanilang mga kamay ay nasa likod, sa halip na sa harap. Ito, anila, ay para hindi sila maakusahan sa pagtatangkang mang-agaw ng baril ng pulis at mauwi sa pagkamatay dahil dito.

Sa pagpapatuloy ng kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga, naiuulat mula sa iba’t ibang sulok ng bansa ang mga kaso ng pagdakip at pagsuko, kasama ang mga sagupaan na nagreresulta sa pagkamatay ng mga sangkot sa droga. May mga natatagpuan ding bultu-bulto ng droga. Sa kasalukuyan, ang pinakamalaki ay nasa P900 milyon halaga ng shabu na nahukay sa Cagayan. Ang mga ulat na gaya nito ay tunay na welcome developments.

Gayunman, noong nakaraang linggo ay isang babae sa Pasay City ang nanawagan ng hustisya para sa kanyang asawa at ama.

Ayon sa kanya, nagtungo sa kanilang bahay ang mga pulis-Pasay at inaresto ang kanyang asawa sa pagkakasangkot umano sa droga. Sinamahan ang ginang sa himpilan ng pulisya ng ama ng kanyang asawa, na nangangamba para sa buhay ng anak nito. Makalipas ang ilang oras, patay na ang dalawa; sinabi ng pulisya na tinangka ng suspek na agawin ang baril ng isang pulis makaraang alisan ito ng posas.

Hindi natin papayagan na ang mga insidenteng gaya nito ay makaapekto sa lahat ng napagtagumpayan ng kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga. Sa buong bansa, masasabing epektibong naipatutupad ang kampanya. Iniulat ng director ng Central Luzon Police Regional Office na nasa 100 pulis ang sangkot sa aktibidad na may kinalaman sa ilegal na droga, kung hindi man nagbibigay ng proteksiyon sa mga nagbebenta ng droga ay sila mismo ang nagbebenta.

Isang pulis, na nakasuot pa ng uniporme, ang natagpuang patay sa Bulacan, at nakasabit sa kanyang katawan ang karatulang nasusulatan ng, “Pulis Pusher. Huwag Tularan.”

Dalawang linggo pa lang ang nakalipas nang magsimula ang bagong administrasyon, ngunit naging mabilis ang pagsasakatuparan ng kampanya laban sa ilegal na droga, at walang dudang naging inspirasyon nito ang panawagan ni Pangulong Duterte na patayin ang sinumang tulak ng droga na papalag sa pagdakip. Gayunman, mayroon ding hinala na ilang pulis ang nagpapatahimik sa kani-kanilang “assets” sa takot na tumestigo ang mga ito laban sa kanila.

Nagdulot ng pangamba sa mga nagsusulong ng karapatang pantao ang sunud-sunod na pagpatay. Nanawagan na ang bagong halal na si Senator Leila de Lima na imbestigahan ng Senado ang usapin, dahil posible, aniya, na maging isang malawakang “killing field” ang Pilipinas kung magpapatuloy ito. Naghain siya ng resolusyon para imbestigahan ang mga pagpatay in aid of legislation; naghain din ng kaparehong resolusyon si Rep. Teddy Baguilat sa Kamara de Representantes.

Dapat na magpatuloy ang malawakang kampanya laban sa ilegal na droga, ngunit mahalaga rin na magpatupad ng mga hakbangin ang pambansang pamunuan, kabilang ang bagong hepe ng Philippine National Police na si Director General Ronald “Bato” dela Rosa, upang matiyak na hindi makalulusot ang anumang pag-abuso ng mga pulis na posibleng sila mismo ay sangkot sa droga at ang mga pagpatay ay layuning patahimikin ang kani-kanilang kasabwat.