Isasabak sa community service ang 542 drug user at pusher na sumuko sa pamahalaang lungsod ng Taguig, at paglilinisin ang mga ito ng mga estero at drainage ngayong tag-ulan.
Sinabi ni acting Taguig City Police chief, Senior Supt. Allen Ocden, na nais isulong ng pamahalaang lungsod at ng pulisya ang programa sa paglilinis ng mga estero sa mga susunod na araw na gagampanan ng mga sumukong adik at tulak ng droga.
Ito ay bahagi ng paghahanda sa epekto ng La Niña phenomenon, o madalas na pag-uulan, sa lungsod.
Samantala, pagkakalooban naman ng suweldo ang mga sumukong adik at tulak sa kanilang serbisyo.
Sa datos ng pulisya, mula Hulyo 1 hanggang Hulyo 11 ay umabot na sa 542 na sangkot at gumagamit ng droga ang boluntaryong sumuko sa Taguig.
Kamakailan, pinag-zumba ng Mandaluyong government at ng pulisya ang mga adik at tulak na sumuko naman doon bilang umpisa sa kanilang pagbabagong-buhay. (Bella Gamotea)