KUNG si dating Pangulong Noynoy Aquino ay may political slogan na “Tuwid na Daan”, si Pangulong Rodrigo Duterte naman ay mayroong “Change is Coming” o pagbabago na darating para sa bansa at sa mga Pilipino.
Naghihintay ang taumbayan sa tunay na pagbabago na ipinangako ng Duterte administration. Umaasa sila na sa pagpapalit ng liderato mula kay PNoy patungo kay Digong, masusugpo ang kriminalidad, illegal drugs, susulong ang ekonomiya, at matatamo ang kapayapaan sa kapuluan, lalo na sa Mindanao, at magkakaroon ng sapat na supply ng kuryente.
Sa puntong ito, ibinalita kamakailan sa telebisyon na magtataas ng singil sa kuryente ng P0.29 kada kilowatt-hour (kWh) ngayong buwan. Ang dahilan daw ng pagtaas ay bunsod ng generation charge na nagmahal ng P0.34 kada kWh. Ang katumbas ng increase sa bill kapag ikinumpara sa rates noong nakaraang buwan ay humigit-kumulang P60 para sa kumukonsumo ng 200 kWh, P90 sa kumukonsumo ng 300 kWH, at P120 sa kumukonsumo ng 400 kWh.
Kung may ‘silver lining’ ika nga sa pangyayaring ito, galing tayo sa dalawang sunod na buwan ng pagbaba sa singil ng kuryente. Samakatuwid, may neto (net) pa rin na P0.25 kada kWh na pagbaba kung titingnan ang naging galaw sa singil sa kuryente sa nakaraang tatlong buwan.
Tungkol sa generation charge, alam ba ninyo na ito ang bumubuo ng halos 60% ng ating bill? Napupunta ang bayad dito sa power generators. Ang sanhi ng increase sa generation charge ay ang pagnipis ng power supply sa Luzon noong Hunyo.
Kaya naman kabi-kabila ang mga “Yellow Alerts”, na umabot ng limang beses nitong nakaraang buwan. Ibig sabihin, tuwing may “Yellow Alert”, ang reserbang supply ng kuryente ay mas mababa na sa kapasidad ng pinakamalaking power plant na kasalukuyang tumatakbo.
Ano nga ba ang dahilan kung bakit naging manipis ang supply ng kuryente? Noong nakaraang buwan ay nakaranas ng outage o ‘di pagtakbo ang ilang planta ng kuryente. Ilan dito ay minimintina, samantalang may mga planta namang hindi inaasahang mahinto ang operasyon dahil sa pagkasira. Sa ganitong pangyayari, tumaas ang presyo ng kuryente sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Ayon sa mga eksperto sa enerhiya at kuryente, mapabababa ang singil sa kuryente kung babawasan o tatanggalin ang buwis sa ilang bahagi nito tulad ng 12% VAT at royalty sa natural gas. Makatutulong din sa pagbabawas sa singil ng universal charge at Feed-in-Tariff Allowance (FiT-All). Kung nais din nating mapababa ang halaga ng kuryente, kailangan talaga ng bansa ng maaasahang supply ng kuryente na hindi pupugak-pugak.
Naniniwala ang mga Pinoy na malaki ang magagawa ng bagong administrasyon sa pangunguna ni President Duterte upang magkaroon din ng “change is coming” sa isyu ng kuryente. Lubhang mahalaga ang kuryente sapagkat kung wala nito, paralisado ang operasyon ng gobyerno, apektado ang mga negosyo. At para sa akin, hindi ako makapagsusulat dahil hindi gagana ang aking computer! (Bert de Guzman)