Kinumpirma kahapon ng militar na umabot na sa 40 miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) at isang sundalo ang napatay sa patuloy na bakbakan sa Basilan.
Ayon sa report ni Maj. Felimon Tan, tagapagsalita ng Western Mindanao Command (WestMinCom), isang Army Scout Ranger ang nasawi at limang iba pa ang nasugatan sa pagsabog ng improvised explosive device (IED) sa Barangay Baguindan, Tipo-Tipo, Basilan.
Sinabi ng militar na nangyari ang pagsabog dakong 6:20 ng umaga, habang nagsasagawa ng clearing operation ang tropa ng 8th Scout Ranger Company.
Nailipad na sa Camp Navarro General Hospital sa Zamboanga City ang mga sugatang sundalo, samantala hindi pa pinapangalanan ang nasawi dahil ipinapaalam pa sa kanyang pamilya ang kanyang sinapit.
Sinabi ni Tan na sa loob ng halos dalawang linggo simula nang ilunsad ang all-out offensive laban sa Abu Sayyaf ay umaabot na sa 40 bandido ang napapatay sa sagupaan, at siyam naman na ang nasugatan. (Fer Taboy)