THE HAGUE (AFP) – Magdedesisyon ang hindi gaanong kilalang Permanent Court of Arbitration ngayong araw (Martes) sa mapait na pagtatalo sa South China Sea/West Philippine Sea na maaaring magkaroon ng malaking epekto sa mundo sa gitna ng tumitinding tensiyon sa pangunahing daluyan ng tubig.
Isinampa ng Pilipinas ang kaso laban sa China noong 2013, hinihiling sa korte na ideklarang imbalido at labag sa UN Convention on the Law of the Sea ang pag-aangkin ng Beijing sa halos buong teritoryo sa dagat.
Narito ang limang katotohanan tungkol sa tribunal na nakabase sa The Hague:
1. Ano ang PCA?
Ang PCA ay ang pinakamatandang inter-governmental organisation na nakaalay sa pagreresolba sa pagtatalo ng mga bansa sa pamamagitan ng arbitration "and other peaceful means."
Binuo ito noong 1899 nang idaos ang unang Hague Peace Conference na tinipon ni Czar Nicholas II ng Russia. Ito ay tumutukoy sa mga kontrata, espesiyal na kasunduan at iba pang treaty gaya ng mga itinatag UN Commission on International Trade Law (UNCITRAL) at ng UN Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) upang ayusin ang mga pagtatalo.
Mayroon din itong permanent overseas presence sa Mauritius at maaaring magsagawa ng mga pagdinig sa bung mundo.
2. Mga interesanteng kaso ng PCA
Ang mga arbitral tribunal ng PCA ay nakapaglabas ng mahigit 70 desisyon sa nakalipas at kasalukuyang tinatalakay ang 116 na kaso. Kabilang sa mga katatapos lamang na kaso ang maanghang na pagtatalo sa hangganan ng Eritrea at Ethiopia at ang pagbaba ng hatol pabor sa Mauritius, isang nasyon sa Indian Ocean, laban sa Britain kaugnay sa marine protected area sa Chagos Archipelago. Sa isa pang kaso, ibinigay nito sa India ang pahintulot na magtayo ng hydro-electric project sa Kishenganga River matapos ang iringan sa Pakistan, na nababahala sa magiging epekto ng proyekto sa water supply sa ibaba ang agos.
3. Tunay ba itong ‘korte’?
Ang PCA ay hindi isang korte sa tradisyunal na pakahulugan na may mga hukom na magdedesisyon sa mga isyu. Sa halip ito ay binubuo ng mga arbitral tribunal na pinagsama-sama para sa bawat kaso. Ang mga pagdinig ay hindi bukas sa publiko o sa press, maliban na lamang kung magkasundo ang magkabilang panig sa isyu.
4. Paano ito gumagana?
Kapag nabigo ang diplomasiya sa dalawang estado, maaari silang bumaling sa arbitration sa pamamagitan ng PCA. Kadalasan ang mga kaso ay inaayos batay sa pre-existing agreement – na nakapaloob sa isang kasunduan o kontrata – na kapag may umusbong na iringan ito ay reresolbahin sa pamamagitan ng arbitration. Kapag nagsimula na ang arbitration, isang arbitral tribunal ang itatalaga, na binubuo ng isa, tatlo o limang miyembro. Para sa South China Sea arbitration, itinalaga ang five-member panel sa pamumuno ni Ghanian-born judge Thomas A. Mensah.
5. May bisa ba ang desisyon nito?
Oo. Obligado ang lahat ng partido sa pagtatalo na sundin ang mga desisyon ng tribunal, tinatawag na "awards," at kailangang kaagad na ipatupad. Mayroong ilang post-award proceedings para mga partidong hindi masaya sa desisyon ng tribunal, ngunit limitado ang mga ito, partikular na sa mga pagtatalo sa pagitan ng mga estado. Sinasabi rin ng mga eksperto na ang pagpapatupad ay kadalasang "Achilles Heel" ng public international law. Gayunman, ang mga estado na magsasawalang-bahala o magtatakwil sa desisyon ng PCA ay nanganganib na mawalan ng kredibilidad at matalo sa tinatawag na "court of world opinion."