HINDI kasama ang South China Sea sa mga usaping tatalakayin sa isang malaking pulong sa pagitan ng mga pinuno sa Asia at Europa sa Mongolia sa huling bahagi ng linggong ito.
Ito ang inihayag ng isang Chinese diplomat kahapon.
Ang Asia-Europe Meeting, o ASEM, ang unang importanteng multilateral diplomatic gathering pagkatapos na ilabas ang desisyon ng arbitration court sa agawan ng China at Pilipinas ng teritoryo sa South China Sea ngayong Martes ng hapon.
Tumitindi ang tensiyon at palitan ng mga pahayag habang nalalapit ang paglalabas ng makasaysayang pasya mula sa The Hague, sa kasong ilang beses nang tinanggihang kilalanin ng China. Iginigiit ng Beijing na walang hurisdiksiyon ang nasabing korte sa usapin at hindi maaaring obligahin ang China na tanggapin ang resolusyon sa kaso.
Ilang beses nang sinisi ng China ang United States sa pagpapalala ng tensiyon sa South China Sea, na rito ay inaangkin ng Beijing ang mga lugar na bahagi rin ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, Brunei, at Taiwan.
Sinabi ni Chinese Assistant Foreign Minister Kong Xuanyou na hindi pagbibigyan ang anumang talakayan tungkol sa South China Sea sa pulong, na isinasagawa kada dalawang taon, dahil ito ay para sa mga diskusyon ng mga usapin sa pagitan ng Asia at Europa.
“The ASEM leaders summit is not a suitable place to discuss the South China Sea. There are no plans to discuss it there on the agenda for the meeting. And it should not be put on the agenda,” sinabi ni Kong sa mga mamamahayag.
Gayunman, iginiit naman ng mga diplomat na nakabase sa Beijing at abala sa mga paghahanda para sa ASEM, na hindi maiiwasang talakayin sa summit ang usapin sa South China Sea. Inaasahang dadalo sa pulong sina Chinese Premier Li Keqiang, Japanese Prime Minister Shinzo Abe, at German Chancellor Angela Merkel.
Ilang beses na ring nagsagawa ng freedom of navigation patrol ang United States malapit sa mga islang inaangkin ng China, na labis na ikinagalit ng Beijing, habang patuloy namang pinalalakas ng huli ang presensiya ng sandatahan nito sa lugar.
Sinabi ni Kong na ang paglubha ng tensiyon sa South China Sea ay epekto ng pakikialam ng ilang bansa na hindi naman bahagi ng rehiyon.
Kaugnay nito, pinayuhan naman ang mga Pilipino sa China na huwag na huwag magsasalita tungkol sa isyu.
Nitong weekend ay nakatanggap ang mga Pinoy sa China ng mobile phone text message mula sa embahada ng Pilipinas na nagbababala sa kanila sa pagsali sa anumang pampublikong diskusyong pulitikal, kasama na ang sa social media.
Pinayuhan din ang mga Pinoy na laging bitbitin ang kani-kanilang pasaporte at makipag-ugnayan sa embahada o sa pulisya ng China para sa anumang reklamo. (Reuters)