Higit na paiigtingin ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) ang pagpapaunawa ng federalismo sa mamamayan sa idaraos na anim na round-table discussion (RTD), na magsisimula sa Agosto 4, sa Executive House ng University of the Philippines sa Diliman, Quezon City.

Ayon kay PDP-Laban Policy Study Group Head Jose Antonio Goitia, lalahok sa diskusyon ang kinatawan ng mga bansang may karanasan sa federalismo, tulad ng Switzerland at Germany, at tatalakayin ang layunin ng matatagumpay na sistema ng gobyerno, gaya ng decentralization, epektibo at episyenteng paghahatid ng serbisyo at makatwiran at pantay na hatian sa kayamanan ng bawat estado.

Sinabi ni Goitia, chairman din ng PDP-Laban Membership Committee National Capital Region Council, na lalahok din sa mga susunod na RTD ang mga kinatawan ng United States at Spain (Agosto 18), Canada at Australia (Setyembre 8), Malaysia at India (Setyembre 22), Brazil, Mexico, Argentina, at Venezuela (Oktubre 6), at South Africa, Ethiopia, at Nigeria (Oktubre 27).

Iginiit naman ni PDP-Laban NCR Council President Abbin Dalhani na mahalagang maipaliwanag ang karanasan sa federalismo ng nasabing mga bansa, partikular sa punto ng representasyon sa epektibong pagpili ng mga pinuno at mabuting pamamahala para maiwasan ang kurapsiyon. (Beth Camia)

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho