Dumating na sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang isang grupo ng Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) bilang kapalit ng mga prison guard kasunod ng pagkakadiskubre ng mga iregularidad sa pasilidad, kabilang na ang operasyon sa droga.

Una nang inihayag ni Department of Justice (DoJ) Secretary Vitaliano Aguirre ang pagtatalaga ng mga tauhan ng PNP-SAF sa NBP upang matuldukan na ang mga anomalya sa pambansang piitan na kinasasangkutan ng mga convicted drug lord.

Itinalaga ang mga SAF member sa Reception and Diagnostics Center (RDC), na pinagdadalhan sa mga bagong salta sa NBP.

Ayon kay Aguirre, pansamantalang isasailalim sa retraining program ang mga guwardiya ng Bureau of Corrections (BuCor).

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Bagamat tanggap ng mga kawani ng BuCor ang sinapit ng kanilang mga kabaro, hiniling naman nila sa administrasyong Duterte na agad na ipatupad ang Republic Act 10575 o Bureau of Corrections Act of 2013 upang mapaganda ang pasilidad ng piitan at kasabay nito, madagdagan din ang kanilang sahod.

“Dapat na ipatupad ang RA 10575 upang maitaas ang sahod at morale ng mga empleyado. Kahit pa isailalim sa retraining ang mga guwardiya subalit hindi naman nadadagdagan ang kanilang sahod tulad ng ginawa sa Bureau of Jail Management and Penology at Philippine National Police, magpapatuloy ang mga anomalya dito,” ayon sa isang kawani ng BuCor.

“Three years na kasi yung batas. Until now, nakabitin pa rin ang implementation,” dagdag niya. (Jonathan Hicap)