Mga laro ngayon

(San Juan Arena)

12 n.t. -- Mapua vs Lyceum

2 n.h. -- EAC vs San Beda

Karl Eldrew Yulo, pamilya raw pinakamagandang regalong natanggap

4 n.h. -- JRU vs St.Benilde

Kapwa mapanatili ang kapit sa liderato ang nagawa ng San Beda College at Arellano University sa magkahiwalay na panalo sa pagpapatuloy ng NCAA Season 92 juniors basketball tournament kahapon, sa San Juan Arena.

Tinalo ng defending champion San Beda Red Cubs ang University of Perpetual Help,95-63, habang pinataob ng Arellano Braves ang Emilio Aguinaldo College-ICA Brigadiers, 98-89.

Nanatiling malinis ang karta ng dalawang koponan sa 4-0.

Sa isa pang laro, nakopo ng Jose Rizal University ang ikalawang panalo sa apat na laro matapos padapain ang San Sebastian College, 68-60.

Dahil sa kabiguan, nanatiling walang panalo sa apat na laro ang EAC at San Sebastian, habang bumaba ang Junior Altas sa barahang 1-3.

Sa pagpapatuloy ng aksiyon sa seniors division, muli namang sasandigan ng San Beda ang Fil-Am sensation na si Davon Potts sa pagsalang nila kontra Emilio Aguinaldo sa ikalawang laro ng nakatakdang triple header ngayong hapon.

Ang 23-anyos na rookie na isang transferee buhat sa US NCAA Division II California State, ang nagsilbing bayani sa 89-85 panalo ng Red Lions kontra defending champion Letran Knights noong opening at sa 91-86 na tagumpay kontra Lyceum of the Philippines University Pirates noong Hunyo 28.

“It’s his way of introducing himself to everyone,” ayon kay San Beda coach Jamike Jarin.

Sasagupa naman ang Generals na may patas na barahang 1-1, panalo-talo, at nagpakita ng malaking pag-angat sa kanilang laro sa pangunguna ni Cameroonian Hamadou Laminou.

Malaking bagay din para sa EAC ang pag-upo ng bagong coach na si Ariel Sison, kinailangang bitawan ang puwesto bilang dean ng Information Technology para makapag-focus sa team.

“They’ve improved a lot, it will be a folly to take them for granted,” ani Jarin patungkol sa EAC.

Tulad ng San Beda, hangad din ng Mapua na manatili sa pangingibabaw sa pagsagupa sa Lyceum sa unang laro sa ganap na 12:00 ng tanghali.

Samantala, sa tampok na laban, mag-uunahan namang magtala ng una nilang tagumpay ang Jose Rizal University Heavy Bombers (0-2) at ang St.Benilde Blazers (0-3) sa kanilang pagtutuos sa ganap na 4:00 ng hapon. (Marivic Awitan)