KAHIT likas na manhid sa pagtupad ng isang makabayang misyon, tiyak na ngayon mapagtatanto ng ilang mambabatas ang kanilang pagpapabaya at mistulang pagtutol sa Freedom of Information (FOI) bill; ngayong ilang araw na lamang at ang naturang panukalang-batas ay nakatakda nang pagtibayin sa pamamagitan ng Excutive Order (EO) ni Pangulong Rodrigo R. Duterte. Nangangahulugan na napatunayan din ng bagong administrasyon ang pagkukulang ng ilang senador at kongresista sa pagsasabatas ng FOI noong panahon ng pinalitang pangasiwaan – isang batas na makatutulong sana nang malaki sa pagsugpo ng mga katiwalian.
Maliwanag na masyado nang naiinip ang Duterte administration upang mapagtibay ang FOI na hanggang sa natapos ang Aquino leadership ay pinatawing-tawing sa Kongreso. At iisa ang nagharing dahilan: Mistulang pinatay ang tunay na diwa ng transparency o paglalantad ng makabuluhang mga dokumento at iba pang bagay na dapat mabatid ng mga mamamayan; nangamba ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno, lalo na ang mga mambabatas na mahalungkat ang mga hidden wealth at iba pang kahina-hinalang mga transaksiyon.
Ang naturang masasalimuot na isyu ang nais puksain ng bagong administrasyon. Kaya kahit na sa pamamagitan ng EO, nais nitong pairalin ang naturang batas na mahigit na isang dekadang ipinaglaban ng iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na ng mga mamamahayag.
Totoo, ang lalagdaang EO ay sumasakop lamang sa mga tauhan at departamento sa Tanggapan ng Pangulo o sa Executive Branch. Ibig sabihin, hindi ito sumasaklaw sa mga sangay ng Lehislatibo at Hudikatura. Sapat na ito upang masimulan ang tunay na paglipol sa mga katiwalian na matagal nang gumigiyagis sa bansa. Kapani-paniwala na hindi maglalaon at ganap na ring mapagtitibay ang kabuuan ng FOI dahil sa pamamayani ng super majority na kaanib ng bagong administrasyon. Higit na nakararaming mambabatas ang naghahangad na masaksihan ang isang marangal na pamamahala kaysa sa mga mambabatas na hanggang ngayon ay nakayakap pa sa walang pakundangang pananamantala sa tungkulin.
Nakadidismayang isipin na ang FOI ay maliwanag na ipinagwalang-bahala ng nakalipas na pangasiwaan, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang pagpapatibay nito ay laging ipinangangalandakan niyon noong simula pa lamang ng presidential campaign.
Kahit paano, mailalantad na ngayon ang mga katiwalian. (Celo Lagmay)