Taliwas ang pananaw ni dating national coach at ngayo’y Rain or Shine mentor Yeng Guiao na magbalik sa Gilas cadet program ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) para sa pagbuo ng national team na kakatawan sa bansa sa mga high level competition.

“Setback na naman sa tin yun, if we’re not going to use our best players in high level competitions like this FIBA Olympic Qualifying Tournamemt,” ayon kay Guiao, nagmando sa Nationals noong 2008.

Sinabi ni Guiao na nakaisang hakbang na ang Gilas tungo sa katuparan ng pangarap na muling mag-qualify sa Olympics sa paggabay ng kasalukuyang coach na si Tab Baldwin.

“We did not failed, we actually made the first right step,” ani Guiao tungkol sa nangyaring kabiguan ng Gilas na mag-qualify sa Rio Olympics.

'Aapela raw!' John Amores 'di tanggap pagkawala ng professional license?

Aniya,kinakailangang magkaroon ng patuloy at regular na partisipasyon ang ating national team sa malalaking torneo sa abroad para higit na mabatak at tumibay.

“Hindi ko alam kung paano pero hindi puwede yung kung kelan andyan na saka tayo magbubuo ng team at sasali,” sambit ni Guiao.

Nais din ni Guiao na kung magsasanay ang national team kailangan din aniyang kasabay na sanayin ang mga local coach.

“I have nothing against Tab Baldwin, he really did a great job for Gilas and he’s qualified to coach the team because of his experience, pero I still bat for a local coach, maraming magaling, kailangan lang gaya ng mga players i-train din yung coach,” paliwanag ni Guiao.

Nagpahayag din ng kanyang pagtutol si Guiao sa sistema na pagpalit-palit ng coach.

Binanggit pa niyang halimbawa ang mga coach ng Canada na si Jay Triano at New Zealand na si Paul Henare na maraming taon ng nanunungkulan bilang national coaches.

“Pag nakaisa o dalawang beses palit, walang continuity.”

Dapat din aniyang matuto tayong magpasensiya at maghintay sa hangad nating tagumpay dahil sa kasalukuyang sitwasyon, posibleng bumilang pa ng ilang taon bago natin maabot ang level ng mga powerhouse teams na gaya ng Canada at France.

“Gilas 4.0 tayo ngayon, baka nga abutin pa ng 8 years yan bago tayo mag qualify ulit sa Olympics,” ani Guiao na nagsabing hindi garantiya ang maraming slot na nakalaan sa susunod na World Cup qualifiers.

At bago aniya tayo maghangad na pumantay sa level ng mga European teams kailangan muna nating lampasan ang mga mahuhusay na koponan, sa Asia, gaya ng China at Iran. (Marivic Awitan)