Naghain si dating pangulo at ngayo’y Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo ng mosyon sa Sandiganbayan Fourth Division para ibasura ang kasong graft na isinampa laban sa kanya kaugnay sa maanomalyang National Broadband Network (NBN)– ZTE deal noong Abril 2007.
Sinabi ng abogado ni Arroyo sa kanyang demurrer to evidence, isang mosyon para ibasura ang isang kaso dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya, na hindi siya nag-solicit ng anumang golf game sa mga opisyal ng ZTE, at hindi rin humiling ng anumang “lunch” mula sa mga ito.
Nauna nang inakusahan ng Office of the Ombudsman si Arroyo ng paglabag sa Section 7 (d) R.A. 6713, na kilala rin bilang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, matapos siyang magpasya na tanggapin o tumanggap ng “entertainment, gift or favor from ZTE or its officials in the form of golf and lunch in connection with the proposal being considered by the National Economic Development Authority (NEDA) and Department of Transportation and Communication (DOTC).”
Gayunman, sinabi ng mga abogado ni Arroyo mula sa Flaminiano Arroyo & Duenas na nabigo ang prosekusyon na patunayan ang halaga ng larong golf at tanghalian na kinain ni Arroyo, at lalong hindi napatunayan na kumain man lamang siya.
Kasabay nito, sinabi nila na ang larong golf at ang tanghalian ay hindi ibinigay dahil sa pag-aasam ng kapalit na pabor mula kay Arroyo.
Ngunit ang pinakamalaking depensang pinanghawakan ng mga abogado ni Arroyo ay may kaugnayan sa territorial jurisdiction. Ipagpalagay na totoong tumanggap ng pabor si Arroyo mula sa mga opisyal ng ZTE sa porma ng entertainment o regalo, ikinatwiran ng kanyang mga abogado na ang Sandiganbayan “has no jurisdiction over the alleged criminal offense since the act of receiving the ‘gifts’ of ‘golf’ and ‘lunch’ took place in China.”
Isa pang demurrer to evidence ang inihain ng kampo ni Arroyo ay may kinalalam sa diumano’y personal niyang interes sa approval ng NBN project, dahil nabigo ang prosekusyon na patunayan na si Arroyo “had knowledge of the supposed attempt by Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr. to bribe NEDA Secretary Romulo Neri with P200 million to immediately approve the ZTE proposal.” (CZARINA NICOLE O. ONG)