Nahaharap sa kasong graft sa Sandiganbayan si dating Department of Health (DoH) Secretary Enrique Ona at dalawa pang opisyal ng kagawaran kaugnay ng pagkakadawit sa umano’y maanomalyang P392.2-milyon modernization program ng Region 1 Medical Center (R1MC) noong 2012.
Sa pahayag ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales, kinasuhan ng paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) si Ona at sina dating Undersecretary Teodoro Herbosa, at dating Assistant Secretary Nicolas Lutero III matapos makitaan ng probable cause ang graft complaint laban sa kanila.
Ayon kay Morales, napatunayang nagkasala ang mga ito sa kasong administratibo kaya sinibak na sila sa serbisyo at pinagbawalan na ring humawak ng anumang posisyon sa gobyerno, bukod pa sa pagpapawalang-bisa sa kanilang retirement benefits.
“In case of separation from the service, the penalty is convertible to a fine equivalent to respondents’ one-year salary,” anang Ombudsman.
Paliwanag ni Morales, pinaboran nina Ona, Herbosa at Lutero ang Specified Contractors & Development Inc. (SCDI) kahit pa natalo ito sa isinagawang bidding para sa modernisasyon ng R1MC.
Natuklasan ng Ombudsman na nadiskuwalipika ang SCDI sa bidding dahil sa pagkabigo nito na makumpleto ang detailed estimate requirements ng kagawaran sa bidding para sa P392.2-milyon R1MC modernization program na ipinatupad ng DoH noong 2012. (ROMMEL P. TABBAD)