sharapova copy

LAUSANNE, Switzerland (AP) — Ipinagpaliban ng Court of Arbitration (CAS) ang pagdinig sa apela ni tennis diva Maria Sharapova, dahilan para pormal na hindi makasali ang five-time major champion sa Rio Olympics.

Sa inilabas na pahayag ng CAS nitong Lunes (Martes sa Manila), sisimulan ang pagdinig sa ipinataw na two-year doping ban sa Russian tennis star sa Setyembre na kinatigan ng International Tennis Federation (ITF).

Nakatakda ang Rio Games sa Agosto 5-21.

NASA, inilabas larawan ng 'Christmas tree' mula sa kalawakan

Ayon sa CAS, pinakamataas na hukuman sa sports, kapwa humingi ng mas mahabang panahon ang magkabilang panig para makapaghanda sa kanilang depensa, gayundin ang “scheduling conflicts.”

Inaasahang ilalabas ang desisyon ng CAS sa Setyembre 19.

Pinatawan ng dalawang taong suspensiyon ng ITF si Sharapova, dating world No.1 at pinakamayamang babaeng atleta, nang magpositibo sa ”meldonium” sa pagsabak sa Australian Open nitong Enero.

Inapela niya ang desisyon at hiniling na babaan ang parusa dahil na rin sa kanyang depensa na ginagamit niya ang naturang gamot sa nakalipas na 10 taon bilang medisina. Ipinagbawal ng World Anti-Doping Agency (WADA) ang meldonium nito lamang Enero 1.

Kung nagkaroon ng maagang desiyon at pumabor sa apela ni Sharapova, makalalaro ang tennis star sa Rio Games. Sa London edition noong 2012, ang 27-anyos ang “flag bearer” ng Team Russia.

“Due to the parties requiring additional time to complete and respond to their respective evidentiary submissions, and several scheduling conflicts, the parties have agreed not to expedite the appeal,” pahayag ng CAS.

Sa imbestigasyon ng independent three-person panel ng ITF, lumalabas na hindi intensiyon ni Sharapova ang paggamit ng meldonium dahil kulang siya sa kaalaman na kabilang na ito sa ipinagbabawal na gamot.