ANG problema sa pabahay sa bansa ay maaaring hindi kasing kritikal o nangangailangan ng agarang solusyon kumpara sa suliranin sa kuryente, o sa transportasyon o trapiko, ngunit napakahalaga nito para sa sektor ng mahihirap sa populasyon ng Pilipinas na karamihan ay patuloy na itinuturing bilang squatter sa sarili nilang lupain.
Taong 1992 pa nang ilunsad ang mga plano para sa proyektong pabahay sa mahihirap alinsunod sa Urban Development and Housing Act o RA 7279. Itinataguyod nito ang pagpapatayo ng gobyerno at ng pribadong sektor ng abot-kayang pabahay para sa mahihirap na mamamayan.
Sa Philippine Housing Industry Plan na binuo ng pribadong sektor noong 2012, naitala ang housing backlog sa 3.9 na milyon. Tinatayang aabot ito sa 6.5 milyong housing unit pagsapit ng 2030. Ang tinayang pangangailangan ay para sa 1.4 milyong pabahay na may subsidiya ng gobyerno, 1.5 milyon para sa socialized housing, 2.5 milyon para sa economic housing, at 605,692 para sa low-cost housing.
Sa may subsidiyang programa sa pabahay para sa mahihirap inatasang tumutok si Vice President Leni Robredo bilang bagong chairperson ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC). Tinawagan siya ni Pangulong Duterte nitong Huwebes upang ialok sa kanya ang posisyon at agad naman niya itong tinanggap.
Ang pagkakatalaga niya sa gabinete ay naging katanggap-tanggap para sa marami hindi upang makatupad siya sa tungkulin bilang ehekutibo, kundi bilang isang malinaw na senyales ng tumitibay na pagkakaisa sa gobyerno kasunod ng pagkakaiba-iba at hindi pagkakasundu-sundo noong eleksiyon. Gaya ng binigyang-diin ni Senador Panfilo Lacson—isa sa mga humikayat kay Pangulong Duterte na gamitin ang talento at kagustuhan ng Bise Presidente na maglingkod—noong nakaraang linggo, makatutulong ang pangalawang pangulo sa pagpapatupad sa mga pagbabagong kinakailangan upang mapabuti ang buhay ng mamamayan.
Si Robredo ang magsisilbing housing czar ng bagong administrasyon, ang kaparehong posisyon na inokupa ni Vice President Jejomar Binay sa administrasyong Aquino. Galing sa magkaibang partido pulitikal sina Binay at Aquino, ngunit hindi ito nakapigil upang magtulungan ang dalawang opisyal sa usapin ng pabahay, gayundin sa kapakanan at pangangailangan ng mga overseas Filipino worker.
Nagkakaisa tayo sa pagtanggap sa pagkakatalaga kay Robredo, kumpiyansang mapasisigla pa ang pabahay para sa mahihirap sa bansa sa pamamagitan ng pangangasiwa niya sa HUDCC. At nasisiyahan tayo sa pagkilala sa kanya ni Pangulong Duterte bilang pangunahing personalidad ng oposisyong pulitikal sa ngayon, upang sa kanilang pagkakaisa ay mas marami silang magawa para sa ating mamamayan.