Sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Butchoy’ nitong Biyernes ay sinuspinde ang klase sa Metro Manila at sa iba pang mga lugar. At dahil nagsimula nang dalawin ng mga bagyo ang bansa, mahalagang batid ng mga magulang at maging ng mga eskuwelahan at lokal na pamahalaan ang guidelines sa pagsususpinde ng klase.
Nakatala sa Guidelines on the Implementation of Executive Order No. 66, DO 43, s. 2012 ng Department of Education (DepEd) ang mga batayan sa pagsuspinde ng mga klase kapag may kalamidad.
Isinasaad dito na dapat na alam ng mga opisyal ng DepEd ang mga anunsiyo ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at isapubliko ang pagsuspinde ng klase sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Kapag Signal No. 1, suspendido ang klase sa mga pampubliko at pampribadong paaralan sa preschool; lahat ng paaralan mula sa preschool, elementarya at sekundarya kapag Signal No. 2; at awtomatikong suspendido ang trabaho sa DepEd at sa mga paaralan kapag Signal No. 3.
Ayon sa DepEd, kung ang storm warning signal ay idineklara sa pagitan ng 10:00 ng gabi at 4:30 ng umaga, ang klase sa nabanggit na mga antas ay kanselado na sa buong araw, habang ang mga klase sa hapon ay awtomatikong suspendido.
Ang mga guro sa mga klaseng suspendido ay may pagkakataon na magsagawa ng make-up classes sa kanilang mga estudyante.
Mayroon ding karapatang magkansela ng klase ang mga local chief executive bilang chairperson ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Para malaman ang impormasyon sa mga kanseladong klase at trabaho, dapat na tutukan ang anunsiyo sa mga telebisyon, radyo at social media.