MAPALAD ang Pilipinas sa pagkakaroon ngayon ng dalawang pinuno na parehong galing sa probinsiya na kapwa nakauunawa sa saloobin at adhikain ng mga nasa rural area o kanayunan. Ang dalawa, sina President Rodrigo R. Duterte at Vice President Leni Robredo, ay simple sa pamumuhay, hindi nagpapasosyal, hindi sophisticated at hindi nagpapa-impress tulad ng ibang mga pulitiko na nakahawak lang ng medyo mataas-taas na posisyon sa gobyerno ay parang “langaw na nakatuntong sa kalabaw”, at parang kung sino na!
Binigyan din sa wakas ni President Rody ng cabinet post si beautiful Leni. Ito ay ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDDC) na bagay na bagay para sa Vice President na ang hangarin ay mabigyan ng pabahay ang mga nasa laylayan ng lipunan at maiangat ang kalagayan sa buhay ng mga ito.
Matapos lang ang dalawang pagkikita ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa, una sa change of command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), sa Camp Aguinaldo, at pangalawa nang mag-courtesy call si VP Leni kay Mang Rody sa Malacañang, naging mainit na ang ugnayan ng dalawa. Probinsiyanong-probinsiyano ang dating ni Mano Digong (Kuya Digong) nang kausapin niya sa telepono si Robredo at pakiusapang tanggapin ang pagiging hepe ng HUDDC sa harap mismo ng media. “Ma’am, tanggapin mo na ito Ma’am para matigil na ang mga pagtatanong sa akin kung ano ang ibibigay ko sa iyo,” ang sinabi ni RRD kay VP Leni. Sinabihan din niya si Leni na dumalo sa cabinet meeting ngayon (Lunes).
Dalawa palang presidente ng Estados Unidos ang pinaghuhugutan ng inspirasyon ni President Rody. Sila ay sina Abrahan Lincoln at Theodore Roosevelt. Si Lincoln na kung tawagin ay “The Great Emancipator” ang bumuwag sa sistema ng slavery o pang-aalipin sa mga negro noon. Tulad ni Mano Digong, si Lincoln ay isang probinsiyanong lawyer na ang puso ay para sa mahihirap. Si Roosevelt naman ay kilala sa pangunguna sa US tungo sa isang progressive era sa pamamagitan ng kanyang “Square Deal” domestic policies.
Sa selebrasyon ng ika-240 Independence Day ng United States at ika-70 Phl-US diplomatic ties noong Hulyo 4, tiniyak ni President Duterte na ang Pilipinas ay mananatili bilang “rampart of democracy”. Mananatili ang demokrasya at kalayaan sa bansa at hindi susupilin ang mga karapatan ng mamamayan. Sa totoo lang, ang tunay na Araw ng Kalayaan natin ay Hulyo 4, 1946 nang ibaba ang watawat ng US sa tagdan nito noon sa Luneta at itaas sa tagdan ang bandila ng Pilipinas.
Ang Freedom of Information (FOI) Bill na hindi inaksiyunan ng PNoy administration bagamat ito ay isa sa pangunahing pangako ni ex-Pres. Noynoy Aquino sa kampanya noong 2010, ay ipatutupad na ni Duterte sa susunod na linggo sa Executive Branch, sa pamamagitan ng isang Executive Order. Ang kanyang desisyon tungkol sa FOI ay hiwalay sa magiging aksiyon at desisyon ng Kongreso hinggil sa bersiyon nito. Sabi niya: “I can only mind the executive department, my branch of government. I cannot mind the judiciary and Congress because of separation of powers. It’s up to Congress.”
Maliwanag, kinikilala niya ang separasyon ng kapangyarihan kung kaya’t hindi siya magiging diktador. (Bert de Guzman)