Bumida ang tatlong isla sa Pilipinas — ang Palawan, Boracay, at Cebu — sa listahan ng World’s Best Islands ng Travel + Leisure (T+L) magazine sa New York ngayong taon.

Sa taunang survey na isinagawa ng T+L, hiniling sa mga mambabasa na i-rate ang lahat ng tourist destination sa mundo batay sa mga aktibidad, tanawin, pagkain, ugali ng tao, natural attractions, beaches, at overall value ng mga ito.

Sa resulta na inilabas ngayong linggo, nanguna ang Palawan sa listahan matapos makakuha ng pinakamataas na iskor sa mga mambabasa, na nasa 93.71. Ito ang ikalawang pagkakataon na nanguna ang Palawan sa listahan, na ang una ay noong 2013.

Inilarawan ng manunulat ng T+L na si Melanie Lieberman ang Palawan bilang isang lugar na “visitors are greeted with mountains rising out of impossibly turquoise waters, where shipwrecks and reefs make for prime scuba diving and snorkeling.”

National

Agusan del Sur, nilindol ng magnitude 5.3

“Palawan is every beach lover’s dream destination,” komento naman ng isang T+L reader, na tinawag din ang isla na “wonderful and magical place.”

Pumangalawa naman sa listahan ang Boracay sa Malay, Aklan, matapos makakuha ng iskor na 90.47, habang pang-anim ang Cebu sa iskor na 88.65.

Tinawag ng isang mambabasa ang Boracay na “a natural treasure” habang pinuri naman ni Lieberman ang isla dahil sa isa sa mga pangunahin nitong resort, ang Shangri-La’s Boracay Resort, na ikawalo naman sa Top Resort Hotels in Southeast Asia ngayong taon.

Komento naman ng isang mambabasa, “There is never a dull moment in Cebu,” at sinabing ang isla ay “perfect for travelers who don’t want to spend a lot of money on recreational activities.”

“The Philippines’ predominance shows that discerning travelers are willing to travel great distances for the rewards of clear waters and sugary white beaches,” ani Lieberman.

Ang 2016 World’s Best Islands ng T+L, ayon sa ranking: Palawan, Philippines; Boracay, Philippines; Ischia, Italy; Waiheke Island, New Zealand; Santorini, Greece; Cebu, Philippines; Maui, Hawaii; Hilton Head, South Carolina; Kauai, Hawaii; at Bali, Indonesia. - PNA