SAN MATEO, CALIFORNIA – Nakabangon mula sa maagang pagkabagsak ang Mexican slugger na si Cesar Juarez para maitala ang come-from-behind TKO kontra Pinoy boxing star Albert “Prince” Pagara at angkinin ang WBO Inter-Continental super bantamweight title nitong Sabado (Linggo sa Manila), sa Pinoy Pride 37: Fists of the Future sa San Mateo Event Center dito.
Maagang nagpalitan ng kombinasyon ang magkaribal bago nasingitan ni Pagara ng left hook si Juarez na ikinatupi ng tuhod nito. Ngunit, bago pa masundan ng Pinoy ang bigwas, nakalusot si Juarez nang tumunog ang bell.
Kapwa naging maingat ang magkaribal sa pagpapakawala ng suntok sa nakalipas na mga round, ngunit sa pagitan ng ikaapat at ikalimang round ay matikas na nakakapuntos si Pagara.
Sa ikapitong round, nakatiyempo si Juarez at may pagkakataong nakorner niya ang Pinoy na kanyang natamaan ng matitinding kombinasyon.
Nagpatuloy ang dominanteng posisyon ng Mexican at sa kabila ng pagpupursige ni Pagara na manatili sa laban, tila kandila itong naupos nang tamaan ng kombinasyon sa mukha at katawan ng Mexican champion. Isang straight punch ang tuluyang nagpabuwal sa dating walang talo at pambato ng Cebu City na si Pagara.
Kaagad na dinaluhan ng medics ang Pinoy champion nang hindi kaagad ito makatayo at kaagad na isinugod sa ospital.
Sa live interview kay sporstcaster Dyan Castillejo, ligtas naman si Pagara at negatibo ang resulta ng pagsusuri sa kanyang kalagayan.
“I want a rematch with Nonito (Donaire),” pahayag ni Juarez.
Ginapi ni Filipino Flash si Juarez sa decision sa kanilang duwelo sa nakalipas na taon.
Nakabawi naman ang nakatatandang kapatid ni Pagara na si Jason “El Nino” Pagara nang pabagsakin si Mexican Abraham Alvarez, may 55 segundo ang nalalabi sa ikatlong round.
Naghiyawan ang Pinoy crowd nang tamaan ni Pagara ang karibal sa panga at mapaluhod nang tuluyan para sa impresibong panalo.
Naitala ni El Nino, No.1 rank junior welterweight ng WBO, ang ika-12 sunod na panalo para mahila ang karta sa matikas na 39-2, tampok ang 24 knockout, habang bumagsak ang marka ni Alvarez sa 21-10-1.
Tinaguriang “El Corazon”, naitala ni Juarez ang ika-18 panalo, tampok ang 11 KO, at limang talo.
Natikman naman ni Prince Pagara, WBO #2, IBF #4, WBC #10 junior featherweight , ang unang kabiguan sa dating dominanteng 26-0 marka, kabilang ang 18 sa TKO.
Sa iba pang laban, nagwagi si middleweight Ricardo Pinell (14-2-1, 8 KOs), via TKO kontra kay Robert Yong (5-9-2, 4 KOs), may 1:44 sa ikalawang round, habang nakuha ni super welterweight Mauricio Zavaleta (3-2-1, 2 KOs) ang six round majority decision win laban kay Darren Mallard Jr (3-2-1).