MAY isang usapin na hindi madaling mareresolba.
Hunyo 23 nang aprubahan ng Commission on Elections (Comelec) ang isang resolusyon na nagpapalawig hanggang sa Hunyo 30 sa palugit sa paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato at kanilang mga partido. Ito ang napagdesisyunan sa kabila ng partikular na probisyon sa RA 7166, “An Act Providing for Synchronized National and Local Elections and for Electoral Reforms”, na ang mga detalye sa ginastos sa kampanya ay dapat na maisumite 30 araw matapos ang halalan.
Dahil ang eleksiyon ay isinagawa noong Mayo 9, 2016, ang deadline ay Hunyo 8—makalipas ang 30 araw. “No person elected to any public office shall enter upon the duties of his office until he has filed the statement of contributions and expenditures herein required,” saad sa Section 14 ng RA 7166. “The same prohibition shall apply if the political party which nominated the winning candidate fails to file the statement required herein within the period prescribed by this Act.”
Sumapit ang deadline na Hunyo 8 at nagawa ng mga partido na maisumite ang detalye ng kani-kanilang nagastos—maliban sa isa, ang Liberal Party. Humiling ito ng 14 na araw na extension at isinumite ang detalye ng mga nagastos sa kampanya noong Hunyo 14. Hunyo 23 nang ipalabas ng Comelec ang resolusyon nito na nagpapalawig sa palugit hanggang sa Hunyo 30.
Ang nasabing resolusyon ng Comelec na pumabor sa LP ang kinukuwestiyon ngayon sa Korte Suprema ng PDP-Laban na kinaaaniban ni Pangulong Duterte. Iginiit ng partido na ang palugit ay “mandatory and non-extendible.” Hiniling ng partido sa Korte Suprema na pawalang-bisa ang nasabing resolusyon ng Comelec.
Sakaling katigan ito ng Kataas-taasang Hukuman, hindi maluluklok sa puwesto ang lahat ng kumandidato sa ilalim ng Liberal Party—hindi si Bise Presidente Leni Robredo, hindi si Senador Franklin Drilon at ang iba pang kumandidatong senador sa ilalim ng partido na nagsipagwagi, hindi ang maraming kandidato ng LP na nahalal na gobernador at alkalde sa iba’t ibang panig ng bansa. Tiyak na magiging malawakang trahedya ang idudulot nito na magbabalewala sa kagustuhan ng milyun-milyong botante.
Subalit kung ibabasura ng Korte Suprema ang petisyon ng PDP-Laban, kakatigan nito ang resolusyon ng Comelec na malinaw na nag-amyenda sa isang umiiral na batas. Tanging ang Kongreso lang ang may kapangyarihang magpatibay o mag-amyenda ng batas, giit naman sa petisyon ng PDP-Laban.
Nakatakdang magpulong ang en banc ng Korte Suprema bukas, at maaaring makasama sa mga tatalakayin ang usapin sa SOCE dahil pinakamaselan ito at pinakamahalaga para sa kapakanan ng bansa. Dapat na agad itong madesisyunan. Hanggang hindi napagpapasyahan nang pinal ang isyu, mananatiling nasa balag ng kawalang katiyakan ang buong bansa na maaaring magbunsod ng mga hindi kaiga-igayang kahihinatnan.