ISANG henerasyon ng mga bata ang nahaharap sa mapanglaw na kinabukasan dahil sa kawalan ng edukasyon maliban na lang kung agad na kikilos ang gobyerno ng Iraq, ang mga kaalyado nito, at ang mga aid agency sa pagbabangon sa mga komunidad na winasak ng ilang taon nang digmaan.
Inihayag ni Peter Hawkins, kinatawan ng United Nations Children’s Fund (UNICEF) sa Iraq, na dahil sa pagpapatuloy ng paglalaban sa pagitan ng puwersa ng gobyerno, na suportado ng koalisyong pinamumunuan ng United States, at mga mandirigma ng Islamic State, libu-libong bata ang hindi na nakapag-aaral at wala na ring access sa pangangalagang pangkalusugan.
“We are faced with a whole generation losing its way and losing prospects for a healthy future,” sinabi ni Hawkins sa isang panayam.
Hindi na nagseserbisyo ang mga ahensiya ng gobyerno, na baon sa utang, kaya naman umaasa na lang sila sa mga ahensiya ng United Nations na nagkakaloob ng eskuwelahan at pagsasanay sa mga guro, kasunod ng mahigit isang dekada nang kaharasan sa pagitan ng mga sekta, sinabi ni Hawkins nang bumisita siya sa London.
“What is needed is a cash injection through central government so that we can see it building the systems required for an economic turnover,” sinabi ni Hawkins sa Thomson Reuters Foundation.
Dahil sa mga alitan, lumala ang sitwasyon sa Iraq, at tinatayang 4.7 milyong bata—nasa ‘sangkatlong bahagi ng lahat ng paslit sa bansa—ang nangangailangan ng tulong, ayon sa ulat ng UNICEF noong nakaraang buwan.
Dahil sa maramihan at sapilitang paglikas upang makaiwas na maipit sa labanan sa mga lugar na tulad ng Ramadi at Falluja, nasa kanluran ng kabiserang Baghdad, isa sa bawat limang batang Iraqi ang nalalantad sa panganib ng pagkamatay, pagkakasugat, karahasang seksuwal, pagdukot, at paghimok na makipagdigmaan, ayon sa report.
Ayon sa UNICEF, sa unang bahagi ng taong ito ay nasa 20,000 bata sa Falluja ang nahaharap sa panganib ng sapilitang pagsapi sa mga grupo ng mandirigma at nahihiwalay sa kani-kanilang pamilya.
“A big problem is the lack of schools, with a lack of investment in recent years meaning the systems have all but collapsed,” sabi ni Hawkins.
Libu-libong sibilyan sa lalawigan ng Anbar sa kanluran ng Iraq ang naitaboy mula sa kani-kanilang tahanan patungo sa nakapapasong klima sa disyerto sa nakalipas na dalawang taon, habang sunud-sunod ang pangungubkob ng Islamic State sa mga pangunahing bayan at siyudad.
Sa Anbar, na napakarami ng komunidad ang nawasak sa mga paglalaban, karamihan sa nagsilikas at itinaboy ng mga rebelde ay “in limbo” na ngayon, naghihintay sa wala sa mga pansamantalang tuluyan at patuloy na inaalipin ng kawalang katiyakan, ayon kay Hawkins.
Halos isa sa limang paaralan sa Iraq ay hindi na mapakinabangan dahil sa mga paglalaban. Simula noong 2014, naberipika ng United Nations ang 135 pag-atake sa mga pasilidad na pang-edukasyon, gayundin sa mga nangangasiwa sa mga ito, at nasa 800 sa mga ito ang ginagamit na ngayon bilang mga pansamantalang tuluyan ng refugees, batay sa datos ng UNICEF. - Reuters