KAISA ang IMBESTIGADaVe ng mga kababayan natin na bagamat nagulat ay sumasaludo sa pagsisiwalat ni Chief Philippine National Police (CPNP) Ronald “Bato” dela Rosa na halos aabot sa 200 local executive sa buong bansa ang sangkot sa ilegal na droga.

Kahit hindi na ito bago sa aking kaalaman, medyo napapahanga na ako ng tandem na ito nina CPNP Bato at Pangulong Rodrigo R. Duterte dahil ang mag-among ito lang sa mga inabutan kong administrasyon, mula noong dekada 80, ang nakikita kong buo ang loob sa pagharap sa mga maimpluwensiyang sindikatong ito ng ilegal na droga sa ating bansa.

Pero paglilinaw lang - hindi ako bilib sa mga alanganing pagpapatumba sa mga umano’y lumalabang drug pusher habang hinuhuli ng mga operatiba.

Kalagitnaan ng dekada 90, kainitan ng rescue operation para sa isang pulis na dinukot ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA), sa Timog Katagalugan, nang una kong malaman ang lalim ng pagkakasangkot ng mga ilang pulitiko sa ilegal na droga sa bansa.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Isang dating rebeldeng NPA ang lumapit sa akin para isiwalat ang kanyang nalalaman hinggil sa operasyon ng droga sa kanilang lugar na kontrolado ng mga pulitiko. Karaniwan na umanong kontrolado ng mga drug lord ang mga kabayanan sa tabing-dagat dahil dito umano nila ibinababa mula sa ibang bansa ang kanilang mga epektos.

Ang gobernador at congressman sa mga lalawigan na may coastal town ang nililigawan ng mga drug lord kapag eleksiyon at ang mga bata naman nila ang tumatakbo sa mga coastal town. Kapag nanalo at nakapuwesto na, ilalagay naman nila sa puwesto ang mga opisyal ng PNP at iba pang ahensiya ng pamahalaan na mga bata rin nila – resulta ang walang hulihang operasyon sa ilegal na droga.

Ang nagsumbong sa akin ay kapatid ng isang tumatakbong mayor sa lugar pero ang makakalaban ng kapatid niya ay ang suportado ng gobernador ng lalawigan na hawak ng mga drug lord.

Dinala ko ang impormante sa PNP at kinuha naman nila ang lahat ng impormasyon – ultimo maliliit na detalyeng gaya ng plaka ng sasakyan, mga ruta at oras ng lakad— pero “for validation” pa raw.

Nakalipas ang halos isang taon, wala ni isang maliit na operasyong isinagawa ang mga pulis pero ang sabi ng impormante, nakatatlong malakihang delivery na ang sindikato gamit ang mismong ambulansiya na tinukoy niya sa report na kinuha ng mga pulis sa kanya. (Sundan sa Miyerkules ang karugtong)

Contact: Globe: 09369953459 / Smart: 09195586950 / Sun: 09330465012 /o ‘di kaya’y mag-email sa: [email protected]

(Dave M. Veridiano, E.E.)