SA demokratikong bansa tulad ng iniibig nating Pilipinas, ang halalan ay isang malayang paraan ng pagpili ng mga mamamayan na mailuklok sa kapangyarihan ang mga matapat, maaasahan, at matinong lider na maglilingkod sa bayan at mga kababayan. Panahon din ito upang palitan ang mga pinunong nanamantala sa tungkulin. Nabigo sa pagtupad ng kanilang ipinangako sa bayan, gayundin ang mga naging tulisan at mandarambong ng pondo ng bayan na naging dahilan ng paghihirap ng ating mga kababayan.

Matapos ang local at national elections noong Mayo 9, ang mga nagwaging kandidato ay nanumpa na sa kanilang tungkulin noong Hunyo 30. May nag oathtaking noong Hunyo 29. Sa Malacañang, nanumpa sa tungkulin si Pangulong Rodrigo Duterte bilang ika-16 na Presidente ng Pilipinas. Nanumpa naman si Vice President Leni Robredo sa Boracay Mansion sa Quezon City, naging makasaysayan ang kanilang panunumpa sa tungkulin sapagkat ngayon lamang nangyari na sa magkaibang lugar nanumpa ang dalawang pinakamataas na lider ng bansa.

Sa Rizal, makasaysayan din ang Hunyo 30 sapagkat maraming nagwagi sa nakalipas na halalan na dating mga mayor ng kanilang bayan at congressman ay nagbalik-panunungkulan. Maglilingkod sila ng tatlong taon sa kanilang mga kababayan.

Ang mga nagbabalik sa panunungkulan ay sina Representative Michael Jack Duavit, ng unang distrito ng Rizal, Jalajala Mayor Ely Pillas; Binangonan Mayor Engr. Cesar Ynares na pinalitan si Mayor Boyet Ynares na tumakbo at nanalong vice mayor; at Taytay Mayor Joric Gacula. May nahalal din na bagong mayor. Sa Tanay ay si Mayor Rex Manuel Tanjuatco; Mayor Dan Masinsin sa Pililla, at sa San Mateo ay si Mayor Tina Diaz. Siya ang unang babaeng mayor ng San Mateo, Rizal. Pinalitan ang kanyang mister na si dating Mayor Rafael Diaz na nanalong vice mayor. Sa Baras, Rizal ay muling nahalal ang unang babaeng naging alkalde na si Mayor Katherine Robles. Sa Pililla, nahalal na vice mayor ay si dating Mayor Leandro Masikip.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Ang Jalajala, Rizal na huling bayan sa eastern Rizal ay tinawag na “Paraiso ng Rizal” dahil sa pagiging malinis at tahimik na bayan. Sa tatlong termino noon ni Mayor Ely Pillas ay maraming nangyaring pagbabago. Nagkaroon ng supply ng tubig mula sa Manila Water. Naipaayos ang Ynares-Jalajala Hospital, at naipagawa ang bagong munisipyo ng Jalajala sa pakikipagtulungan ng provincial government. Nagkaroon din ng building at nabigyan ng mga kagamitan ang dairy processing plant na ang mga produkto ay bahagi ng proyektong “One Town, One Product”. Nagkaroon ng National High School at extension ng University of Rizal System (URS). Patuloy na inilunsad ang Alternative Learning System (ALS) para sa mga out-of-school youth. Mula sa pagiging 6th class municipality ay naiangat ito sa 4th class. Pinagkalooban ng Seal of Good Housekeeping ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Nakasentro ang pananaw ng mga mayor at congressman sa matapat at mahusay na pamamahala upang matupad ang mga programa at proyektong ilulunsad na mapakikinabangan ng mga mamamayan. Kaakibat nito ang kahilingan na pakikipagtulungan ng kanilang mga kababayan. (Clemen Bautista)