Ni HANNAH L. TORREGOZA

Hindi pabor si Senator Juan Miguel “Migz” Zubiri sa mga panawagan sa magsagawa ang Kongreso ng imbestigasyon sa sunud-sunod na pagpatay sa mga pinaghihinalaang sangkot sa mga operasyon laban sa ilegal na droga sa bansa.

Ito ay sa kabila ng pagsusulong ni Sen. Leila de Lima ng pagsisiyasat ng Senado sa serye ng umano’y salvaging sa mga kriminal, na sinasabing bahagi ng kampanya ng administrasyong Duterte na linisin ang lipunan sa mga sindikato, lalo na ang mga sangkot sa ilegal na droga.

Iginiit ni De Lima na wala dapat “shortcut” sa naturang kampanya dahil ang pagpatay ng awtoridad sa mga kriminal nang walang due process ay labag sa batas.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“I do not wish to diminish or weaken our law enforcers in carrying in the all-out offensive campaign. Rather, I want to strengthen the mechanisms for arresting suspects…our law enforcers cannot be law breakers,” ayon kay De Lima, dating kalihim ng Department of Justice (DoJ).

Nangangamba naman si Zubiri na posibleng maapektuhan ng Senate inquiry ang isinasagawang operasyon ng pulisya laban sa mga kriminal.

“At this point in time, hindi muna kelangan gawin ‘yun kasi baka maistorbo lang natin ‘yung mga trabaho ng ating mga kapulisan,” paliwanag ni Zubiri.

Aniya, makabubuti rin ang pag-cover ng media sa mga police operation upang matiyak na ang mga ito ay lehitimo at naayon sa umiiral na batas.

“You can see their camera crews together with the police when they cover these operations. So I think these are legitimate operations. On my part, I will give the cops the benefit of the doubt,” paliwanag ni Zubiri sa panayam ng radyo DWIZ.

“Pagbigyan natin ang Duterte administration sa pagsugpo ng krimen at droga,” ayon pa kay Zubiri.