Mahigpit nang ipinagbabawal ng Malacañang ang paggamit ng vanity vehicle plate na may markang “DU30”, na karaniwang gamit ng mga sasakyang lumalabag sa batas trapiko.
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Operations Secretary Martin Andanar hinggil sa ipatutupad na crackdown ng awtoridad hinggil sa mga abusadong motorista dahil, aniya, hindi kukunsintihin ng gobyerno ang mga lumalabag sa batas.
Sa panayam sa radyo DzRB, hinikayat din ni Andanar ang publiko na ipaalam sa awtoridad ang mga may-ari ng sasakyan na gumagamit pa rin ng plakang “DU30” na naging patok noong nangangampanya pa lang si Pangulong Duterte, bago ang eleksiyon noong Mayo 9.
“The President has always been for equality, fairness and justice,” giit ni Andanar.
“Now kung meron po kayong reports o nakikitang mga sasakyan na may mga Duterte plates na abusado, kung puwede po, ipadala n’yo po sa amin sa Presidential Communications Office and I will make sure that the President will find out,” dagdag niya.
Una nang binalaan ng Land Transportation Office (LTO) ang mga motorista laban sa paggamit ng “DU30” vanity plate bilang kapalit ng orihinal na plaka na inisyu ng ahensiya, dahil ito ay isang paglabag sa batas. - Genalyn D. Kabiling