Patuloy ang pagdami ng mga drug user at pusher na boluntaryong sumusuko sa awtoridad, tulad ng 350 katao, na aminadong sangkot sa ilegal na droga, na nagtungo sa Parañaque City Hall upang simulan ang bagong buhay.

Personal na tinanggap ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang 350 drug offender na mula sa 16 na barangay ng siyudad. Sumuko sila kay Senior Supt. Jose Carumba, officer-in-charge ng Parañaque City Police, kaugnay ng ipinatutupad nitong kampanya na “Oplan Tokhang”, na sinimulan ni PNP chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa.

Tiniyak ni Carumba na walang kasong isasampa laban sa mga drug pusher at user na boluntaryong sumuko sa pulisya.

Tulad ng mga nakaraang pagsuko, lumagda ang mga sumuko sa isang memorandum of understanding na nakasaad na ititigil na nila ang paggamit o pagtutulak ng droga, at payag din silang sumailalim sa rehabilitasyon.

National

Ilang araw bago ang New Year: Bilang ng mga naputukan, pumalo na sa 69

At dahil ibinigay na nila ang kanilang personal information sa pulisya, madalas na silang susubaybayan ng awtoridad upang mailayo sila sa ipinagbabawal na gamot.

Sa pagsuko ng 350 katao, umabot na sa 419 ang kabuuang bilang ng drug pusher at user na sumuko sa Parañaque City simula nang manungkulan si Pangulong Duterte nitong Hunyo 30. - Martin A. Sadongdong