DAVAO CITY – Umabot na sa kabuuang 11,606 na aminadong drug user at 332 pusher sa Davao Region ang sumuko sa awtoridad dakong 5:00 ng umaga kahapon simula nang paigtingin ng Police Regional Office (PRO)-11 ang kampanya nito sa laban sa ilegal na droga nitong Hulyo 1.
Batay sa datos ng PRO 11, naitala sa Davao del Norte ang pinakamaraming pagsuko ng mga gumagamit ng droga na nasa 3,496, habang 94 naman ang tulak, kasunod ang Davao Oriental na may 3,466 adik at 72 tulak.
Mula sa Compostela Valley, sumuko ang 2,268 drug user at 130 drug pusher; 1,299 adik at siyam na tulak mula sa Davao City; 720 user at 14 na pusher sa Davao del Sur; at 357 adik at 13 tulak naman ang sumuko sa Davao Occidental.
“We are intensifying anti-illegal drug operations in the region in line with the directives of the PNP chief Ronald Dela Rosa under Project Double Barrel by implementing the Oplan Tokhang and Project High Value Targets,” sinabi kahapon ni PRO 11 Spokesperson Andrea Dela Cerna.
Sa isang press conference noong nakaraang linggo, sinabi ni Dela Cerna na inoobliga ang lahat ng station commander na tumalima sa atas ni Dela Rosa sa loob ng anim na linggo matapos maluklok ang bagong administrasyon, kung ayaw nilang masibak sa puwesto. (Antonio Colina IV)