DALLAS (AP) — Nauwi sa wala ang pananabik sa pagbabalik ng golf sa Olympics.
Nadagdag sa listahan ng golf superstar na umatras sa Rio Olympics si US Open champion Dustin Johnson matapos niyang ipahayag nitong Biyernes (Sabado sa Manila) na takot siya sa Zika virus.
Bunsod nito, lalaruin ang golf sa quadrennial Games sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang 112 taon na wala ang tatlo sa world top four player sa mundo.
Tanging si two-time major champion Jordan Spieth ang player sa Top four ang hindi pa nagpapahayag ng pormal na desisyon hinggil sa paglahok sa Olympics sa Brazil. Wala pa ring tugon ang isa pang star na si Rickie Fowler.
Tangan ni Johnson ang No. 2 spot sa world ranking matapos manalo sa US Open at World Golf Championship kamakailan.
Siya ang ika-13 player na umatras na lumahok sa Rio.
Nauna nang nagpahayag sina world No. 1 Jason Day at world No. 4 Rory McIlroy at tahasang tinukoy na dahilan ang Zika virus – batay sa pagsusuri ng mga doktor ay dahilan sa pagkakaroon ng abnormal na laki ng ulo at utak ng sanggol.
Nakukuha ito sa kagat ng lamok, ngunit maaaring maisalin sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
“This was not an easy decision for me,” pahayag ni Johnson na ibinigay ng kanyang management company.
“But my concerns about the Zika virus cannot be ignored.”
Aniya, plano nilang mag-asawang si Paulina Gretzky na magdagdag ng anak. Kasalukuyang 18 buwan ang anak nilang si Tatum.
“I feel it would be irresponsible to put myself, her or our family at risk,” aniya. “I believe I am making the right decision for me and most importantly, my family. While I am sure some will be critical of my decision, my hope is that most will understand and support it.”
Kabilang din sa mga umatras sina world No.1 Jason Day at Adam Scott ng Australia, Branden Grace, South African Louis Oosthuizen, Japanese Hideki Matsuyama, Shane Lowry at Fijian Vijay Signh.