NABAWASAN ng 45 porsiyento ang sumusubaybay sa Twitter account ng Islamic State sa nakalipas na dalawang taon, ayon sa gobyerno ng United States, matapos na tapatan at kontrahin ng Amerika at ng mga kaalyado nito ang mga mensaheng pumapabor sa mga jihadist sa pamamagitan ng mga litrato at pahayag online tungkol sa mga pagdurusa at pang-aalipin sa kamay ng grupo ng mga terorista.
Kabilang sa mga imahe ang isang teddy bear na binuo sa mga kasulatang Arabo, at mga mensaheng nagsasabi na ang IS “slaughters childhood”, “kills innocence”, “lashes purity” o “humiliates children”. Mayroon ding isang kamay ng lalaki na nakatakip sa bibig ng isang babae, na may kaakibat na mensahe na ang IS “deprives woman her voice”. Nariyan din ang isang babae sa isang itim na niqab (belo), habang lumuluha ng dugo ang mata na may malaking marka ng pasa, at may caption: “Women under ISIS. Enslaved. Battered. Beaten. Humiliated. Flogged.”
Tinukoy ng mga opisyal ng Amerika ang pananamlay sa Twitter traffic bilang senyales ng tagumpay kontra sa propaganda ng grupo na sinisisi sa pag-uudyok sa maraming pag-atake sa iba’t ibang panig ng mundo.
Nang bumuo ang Amerika ng isang pandaigdigang koalisyon noong Setyembre 2014 laban sa IS, binigyang-diin ng administrasyon ang iba’t ibang layunin: pagkilos ng militar at pagpigil sa mga dayuhang mandirigma habang hinaharang ang pondo ng grupo, pagkumpronta sa ideyolohiya ng grupong terorista, at pagkontra sa tumitinding popularidad ng grupo sa mga bansang Arabo at sa iba pang mga bansa.
Sa una ay pahirapan ang kampanya sa pagtutok sa pagkontra sa mga mensahe ng IS para makahikayat ng mga miyembro nito.
Karamihan sa mga mensaheng kontra IS na nasa online ay sa English, kaya naman limitado ang pagiging epektibo nito.
Kasabay nito, nagsisimula pa lang ang mga social media network sa paggamit ng mga bagong teknolohiya sa hamon na tukuyin at ipasara ang mga account na humihikayat at nagtuturo ng maling ideyolohiya sa mga bagong kasapi ng IS.
Naniniwala ang mga opisyal ng Amerika na naresolba na ang mga kakulangang ito. Maraming meme at litrato na naglalarawan sa maling pagtrato ng grupo sa kababaihan, mga bata at sa iba pa ang nailahad na sa Arabic. At kung dati ay sa Amerika nanggagaling ang mga impormasyong ito, mismong mga gobyernong Muslim, mga lider na relihiyoso, mga eskuwelahan, mga lider-kabataan, at mga grupong may adbokasiya na ngayon ang pinanggagalingan ng mga ito. Batay sa datos, nabawasan ang paglaganap ng propaganda ng IS sa nakalipas na mga taon.
“We’re denying IS the ability to operate uncontested online, and we’re seeing their social media presence decline,” sinabi ni Michael Lumpkin, pinuno ng Global Engagement Center, na nakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Amerika sa pagkontra sa mensahe ng IS.
Batay sa datos na nakuha ng The Associated Press, may 6-1 ratio ng mga mensahe online na kontra sa IS at pabor sa grupo—isang malaking improvement kumpara noong 2015. Nang matuklasan kamakailan ang mga pro-IS account sa Twitter, mayroon ang mga itong tig-300 follower bawat isa. Noong 2014, ang mga nasabing account ay may tig-1,500 follower bawat isa, ayon sa datos.
Sa mga social network, tinutukan ng Amerika ang Twitter. Ito rin kasi ang pangunahing ginamit na platform ng IS upang makahikayat ng mga tagasuporta at potensiyal na mandirigma, bagamat ginagamit din ng grupo ang YouTube at Facebook.
(Associated Press)