Bukod sa pampasaherong jeepney, inaasahang magiging Philippine icon din sa buong mundo ang Tryk ni Juan, na likha ng Industrial Technology Development Institute (ITDI) ng Department of Science and Technology (DoST).
Katuwang ang Korea Institute of Materials Science, isinapubliko ni DoST Secretary Fortunato Dela Peña ang Tryk ni Juan kasabay ng pagdiriwang ng ika-115 anibersaryo ng DoST-ITDI nitong Hulyo 1.
Pumapasada na ngayon sa Taguig City ang Tryk ni Juan.
Ayon Blessie A. Basilia, materials science division chief, gawa sa abaca fiber ang tapalodo at kaha ng tricycle, na makintab at kaaya-aya sa paningin.
“Bukod sa mga tricycle driver, malaking tulong ito sa mga magsasaka ng abaca, dahil tataas ang kanilang produksiyon,” sabi ni Basilia, dagdag na fuel efficient ang Tryk ni Juan kaya pabor ito sa mga driver.
Sinabi ni Basilia na pinagbubuti ng DoST ang paggamit ng abaca bilang tapalodo, kaha at upuan ng tricycle, dahil nagbibigay din ito ng proteksiyon sa driver at pasahero. (Mac Cabreros)