TULAD ng pahayag noon ni Pangulong Rodrigo Duterte na may tatlong heneral ng Philippine National Police (PNP) na sangkot sa sindikato ng illegal drugs na hiniling pa niyang magbitiw na sa puwesto, tinupad ng Pangulo ang kanyang pangako. Pinangalanan niya ang limang heneral ng PNP. Marami ang nagulat at nabigla sa pagbubunyag ng Pangulo. Ginawa ang pagbubunyag sa pagdiriwang ng ika-69 na anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF) nitong Hulyo 5, sa Clark, Pampanga.
Ang limang police general ng PNP na sangkot umano sa illegal drugs ay sina Chief Supt. Bernardo Diaz, dating hepe ng Western Visayas Regional Police Office; Retired PNP Deputy Director General Marcelo Garbo; Retired PNP Chief Supt. Vicente Loot na mayor ngayon ng Daanbantayan, Northern Cebu; Chief Supt. Joel Pagdilao na hanggang noong Hulyo 4 ay hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO); at Chief Supt. Edgardo Tinio na hanggang noong Hulyo 1 ay director ng Quezon City Police District (QCPD). Ang limang henaral ng PNP ay pawang mga graduate sa Philippine Military Academy (PMA).
Ayon kay Pangulong Duterte, napilitan siyang pangalanan ang limang heneral ng PNP sapagkat tungkulin niya na sabihin ang lahat, lalo na ang mga pulis na sangkot sa illegal drugs. Nagdulot ito ng pagkasira ng batas at kaayusan ng bansa. Iniutos pa ng Pangulo sa tatlong aktibong opisyal ng PNP na mag-report kay Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ang bagong PNP chief.
Ang pagsasangkot ni Pangulong Duterte sa sindikato ng illegal drugs ay pinabulaanan ng limang police general.
Nagbigay sila ng kanya-kanyang pahayag at reaksiyon. Ayon kay Chief Supt. Bernardo Diaz: “Alam ng Diyos na walang katotohanan.” Malinis umano ang kanyang konsensiya. Hindi niya alam kung bakit siya isinangkot ng Pangulo sa illegal drugs. Handa rin umano siyang sumailalim sa imbestigasyon sa Camp Crame. Inaasahan na gagawin agad upang malinis ang kanyang pangalan.
Sa pahayag naman ni Chief Supt. Vicente Loot na nahalal na mayor ng Daanbantayan, Northern Cebu, handa rin umano siyang sumailalim sa imbestigasyon. Maaari siyang makipagkita sa Pangulo upang linisin ang kanyang pangalan.
Kailanman ay hindi umano siya naging protektor ng illegal drugs.
Ayon naman kay Chief Supt. Edgardo Tinio, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang hepe ng QCPD ay hindi niya isinawsaw ang kanyang mga kamay sa mga ilegal na gawain. Handa umano siya sa lifestyle check.
Ayon naman kay Chief Supt. Joel Pagdilao, hindi siya protektor ng droga at nalungkot siya sa akusasyon ng Pangulo. Sa loob ng 32 taon niya sa serbisyo, kailanma’y hindi umano nabatikan ang kanyang trabaho. Handa umano siyang ipagtanggol ang sarili sa gagawing imbestigasyon, ang kanyang pangalan at pamilya.
Ang tatlong aktibong heneral ng PNP ay nakipagkita at nakipag-usap kay PNP Chief Director Ronald “Bato” dela Rosa.
Naging emosyonal ang kanilang pag-uusap. Ang NAPOLCOM ang mag-iimbestiga sa tatlong aktibong heneral ng PNP. Si Retired Chief Supt. Vicente Loot ay iimbestigahan ng DILG at habang ang DoJ naman kay Deputy Director Marcelo Garbo.
Maghihintay ang sambayanan sa magiging resulta ng mga imbestigasyon.