Bahagyang liyamado si WBO Inter-Continental super bantamweight titlist “Prince” Albert Pagara ng Pilipinas sa kanyang pagdepensa ngayon laban kay one-time world title challenger Cesar Juarez.
Kapwa pasok sa weight limit ang dalawa, ngunit kailangan pang magpapawis ng Mexican para makuha ang timbang sa kanilang dibisyon sa official weigh-in, nitong Biyernes (Sabado sa Manila) sa Food Court ng Serramonte Mall sa Daly, California.
Magsasagupa ngayong umaga sina Pagara at Juarez na kailangang magpakita ng impresibong panalo ang walang talong Pinoy para magkaroon ng pagkakataon sa kampeonatong pandaigdig.
Tumimbang si Pagara na 121.2 pounds gayundin si Juarez na kailangang tumakbo ng may kalahating oras para makuha ang timbang.
“Both Pagara and Juarez came in at 121.2 lbs below the super bantamweight limit. Albert, who was already in weight two days ago, appeared relaxed and smiling and breezed through the weighin,” ayon sa ulat ng Philboxing.com. “But Juarez had to run for half an hour before the weighin after stepping the scales overweight an hour before and appeared taut and tense.”
Sa co-main event ng Pinoy Pride series, magaang nakuha ni Jason Pagara ang 146 pounds sa kanyang welterweight bout laban kay Mexican Abraham Alvarez na eksaktong 147 lbs ang timbang.
Nakalistang No. 2 sa WBO, No. 4 sa IBF at No. 10 sa WBC sa super bantamweight rankings si Albert, at No.1 sa WBO at No. 13 sa IBF si Jason sa light welterweight division kaya malaki ang mawawala sa kanila kapag na-upset nina Juarez at Alvarez.
Sa lightweight bout, kapwa nakuha nina Filipino veteran Edgar Gabejn at Amerikanong si Pete Duran ang kanyang-kanyang timbang sa kanilang laban.
Pinayuhan naman ni WBO Super Bantamweight champion Nonito “ The Filipino Flash” Donaire, Jr., si Prince Albert na maging handa at huwag magkumpiyansa kay Juarez na isa umanong tusong fighter.
“I was very surprised, kasi karamihan, pag sinusuntok ko sila, knockout eh. For Juarez, parang, hindi ko alam kung ano eh, basta pag sinusuntok ko siya palagi, he takes it,” pahayag ni Donaire, patungkol kay Juarez na kanyang nakalaban sa nakalipas na taon.
“He’s very tough. Hindi naman siya gaano kagaling, matapang lang talaga. Matibay. Sugod ng sugod, kasi yun talaga ang alam niya eh, to go in front and just take the fight,” aniya.