Handa ang Pilipinas na ibahagi sa Beiking ang natural resources sa pinagtatalunang lugar sa South China Sea (West Philippine Sea) sakaling manalo ito sa hamong legal ngayong linggo, ipinahayag ni Department of Foreign Affairs Secretary Perfecto Yasay sa AFP noong Biyernes.

Sinabi ni Yasay na umaasa ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kaagad na masimulan ang direktang pakikipag-usap sa China kasunod ng hatol sa Martes, kaakibat ang mga negosasyon para magkasamang galugarin ang natural gas reserves at fishing grounds sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

“We can even have the objective of seeing how we can jointly explore this territory. How we can utilize and benefit mutually from the utilization of the resources in this exclusive economic zone where claims are overlapping,” sabi ni Yasay sa panayam ng AFP.

Naghain ang Pilipinas, sa ilalim ng nagdaang administrasyon ni Benigno Aquino III, ng hamong legal sa UN-backed tribunal sa The Hague na kinukuwestiyon ang pag-aangkin ng China sa halos kabuuan ng mahalagang karagatan.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Inaangkin ng China maging ang mga baybayin ng Pilipinas at ng iba pang mga bansa sa Southeast Asia, at nitong mga nakalipas na taon ay nagtayo ng mga artipisyal na isla sa pinagtatalunang karagatan upang palakasin ang sinasabi nitong “indisputable sovereign rights.”

Ikinagalit ng China ang pagsampa ng kaso ng Pilipinas at paulit-ulit na binigyang-diin na babalewalain ang hatol ng tribunal.

Naupo sa puwesto si Duterte noong Hunyo 30, at naging mas kalmante ang approach sa China kaysa kay Aquino.

Sinabi ni Yasay noong Biyernes na nagkasundo ang China at Pilipinas na hindi magbibigay ng “provocative statements” matapos ang paglabas ng desisyon.

Binanggit ni Yasay na matapos ang desisyon, pag-aaralan itong mabuti ng Pilipinas, tatalakayin kasama ang mga kaalyado, at hihilingin na makausap ang China “as soon as possible”.

Idiin niya na bukas ang Pilipinas na ibahagi ng Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc/Panatag Shoal), na inagaw ng China noong 2012.

Ayon kay Yasay, pinag–iisipan ng Pilipinas ang joint exploration ng natural gas field sa Reed Bank, na nasa loob din ng exclusive economic zone ng bansa.

Gayunman, iginiit niya na hindi isusuko ng Pilipinas ang anumang karapatan nito sa karagatan.

Nakipagpulong sina Duterte at Yasay kay Chinese ambassador to the Philippines Zhao Jianhua noong Huwebes. Muling nakita si Zhao sa Department of Foreign Affairs nitong Biyernes. (Agence France-Presse)