Dewey Boulevard o Radioactive?
Muling nakasentro ang hatawan sa dalawang pamosong thoroughbred sa pagratsada ng ikatlong leg ng prestihiyosong Triple Crown ng Philracom ngayon sa Manila Jockey Club ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Pinaghatian ng dalawa ang unang dalawang leg kung saan nakuha ng Radioactive ang unang sultada, bago nakabawi ang Dewey Boulevard ni sportsman/businessman Hermie Esguerra sa ikalawang leg.
Sa pagratsada ng ikatlong leg ng karera para sa three-year-old, asahan ang mas maaksiyong tunggalian, higit at nangako ang mga karibal na Underwood, Homonhon Island at 1st Leg Hopeful Stakes Race winner Guatemala na hindi pahuhuli sa karera na may distansiyang 2,000 metro ay may nakatayang P1.8 milyon mula sa kabuuang premyong P3 milyon.
“Expect a thrilling race, siyempre don’t count out yet yung ibang challenger,” pahayag ni Philracom commissioner Atty. Dondon Bagatsing. Nasa pangangasiwa ng SC Stockfarm ang Radioactive, habang ang Underwood ay pagmamay-ari ng Stony Road Horse Farm. Itinataguyod ni Engr. Jun Sevilla ang Guatemala at alaga ni Wilbert Tan ang Homonhon.
“When you have the best runners of the season bunched together in a major race setting such as the Triple Crown, you can anticipate a good show for all Filipino racing fans,” pahayag ni Philracom Chairman Andrew A. Sanchez.
Maaksiyong tagpo rin ang inaasahan sa pampaganang karera na Philracom’s Hopeful Stakes Race tampok ang Indianpana (Deemark International Trading), Mount Iglit (Wilbert Tan), Pinagtipunan (Benjamin Abalos), Pinay Pharaoh (Hermie Esguerra), Real Flames (George Raquidan), Secret Kingdom (Leonardo Javier), Space Needle (Stony Road), at Tagapagmana (Eduardo Dimacuha).
Nakalaan ang premyong P600,000 sa magwawagi sa karera na may kabuuang P1 milyon na premyo. May distansiyang 2,000 metro ang kakera.
Mapapanood din ang third leg ng bagong programang Locally Bred Stakes Race tampok ang Leave It To Me (Antonio Tan Jr.), Piskante (Hermie Esguerra), at Play It Safe (Jade Bros Farm). May layo ring 2,000 metro ang karera at nakalaan ang P500,000 sa mananalo.