Bagamat bumaba ang kanyang performance rating ilang linggo bago magtapos ang kanyang termino, nananatiling si dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang “best” kumpara sa apat na presidenteng sinundan niya, ayon sa final rating ng Social Weather Stations (SWS).
Sa SWS nationwide survey na isinagawa ilang araw bago bumaba sa puwesto si Aquino, 57 porsiyento ng populasyon ang kuntento sa kanyang paglilingkod, habang 28 porsiyento naman ang hindi.
Nagbigay ito sa kanya ng “moderate” na final net satisfaction rating na +29, tumaas ng dalawang puntos mula sa kaparehong survey ng SWS noong Abril.
Sinabi ni SWS Director Leo Laroza na bagamat bumaba ang performance rating ni Aquino—mula sa “very good” +60 net score noong Setyembre 2010 matapos maluklok sa puwesto, na naging “moderate” +27 noong Abril 2016—dinaig pa rin niya ang final net scores ng apat na sinundan niyang presidente.
Nagtapos ng termino si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo Arroyo na may “poor” rating na -17 noong Hunyo 2010; si dating Pangulong Joseph Estrada ay may “neutral” na +9 noong Disyembre 2000; si dating Pangulong Fidel Ramos ay nakakuha ng “moderate” na +19 noong Abril 1998; at ang ina ni Aquino, ang yumaong dating Pangulong Corazon Aquino ay bumaba sa puwesto na may “neutral” na +7 noong Abril 1992.
Sinabi ni Laroza na si dating Pangulong Noynoy ang may pinakamataas na net satisfaction score noong Agosto 2012 sa nakuhang “very good” + 67—habang ang pinakamababa naman niya ay “moderate” sa +11 noong Marso 2015 kasunod ng trahedya sa Mamasapano, Maguindanao Enero ng taong iyon. (Vanne Elaine P. Terrazola)