SA kanyang huling mensahe tungkol sa Pambansang Budget para sa 2016, nanawagan sa Kongreso si dating Pangulong Aquino na aprubahan na ang panukalang Freedom of Information na itinuturing na mahalagang bahagi ng Aquino Good Governance and Anti-Corruption Plan of 2012-2016. Ang panukala ng administrasyon, aniya, ay magsusulong ng transparency, accountability, at pakikiisa ng mamamayan sa pangangasiwa sa pamahalaan.
Nakasaad sa panukala ng administrasyon na ang mga impormasyon sa mga opisyal na gawain, transaksiyon, at desisyon ay dapat na idetalye sa publiko. Ngunit hindi nito saklaw ang mga impormasyon na partikular na dapat ilihim sa bisa ng isang executive order, mga record ng talakayan sa mga pagdedesisyong pinamumunuan ng Pangulo sa maseselang usapin, impormasyon sa depensa, mga sekreto sa kalakalan na maglalagay sa alanganin sa kompetisyon ng mga negosyo, mga prebilehiyong komunikasyon na nakasaad sa Rules of Court, at impormasyong hindi pinapayagan ng batas o ng Konstitusyon.
Inaprubahan ng Senado ang panukala noon pang Marso 2014. Bumuo ang House of Representatives Committee on Public Information ng Technical Working Group na nagpulong simula noong Pebrero hanggang Hunyo 2015. Ngunit hindi naaprubahan ng Kamara ang panukalang FOI hanggang sa mag-adjourn ito noong nakaraang buwan.
Nitong Linggo, inihayag ni Communications Secretary Martin Andanar sa isang panayam sa radyo na magpapalabas si Pangulong Duterte ng isang executive order upang magkaroon na ng kalayaan sa impormasyon sa loob ng isa hanggang dalawang linggo, at sasaklawin nito ang mga tanggapan ng gobyerno sa ehekutibong sangay ng pamahalaan. Kinakailangang maipasa ng Kongreso ang isang batas na sasaklaw sa lahat ng ahensiya ng pamahalaan, kabilang ang lehislatibo at hudikatura.
Matagal nang isinusulong ang panukalang FOI ng karamihan sa industriya ng pamamahayag dahil makatutulong ito sa pagkuha ng impormasyon na karaniwan nang ikinukubli sa publiko kahit pa mahalagang talakayin ito bilang isang usaping pambansa. Noong 2014, nasangkot ang Korte Suprema sa isang pampublikong debate kung dapat ba nitong ilabas ang Statements of Assets, Liabilities, and Networth (SALN) ng mga kasapi nito, gaya ng iginigiit ng Bureau of Internal Revenue. Nanindigan ang korte sa pagiging pribado, ligtas at pagmamantine ng kalayaan ng hudikatura sa pamamagitan ng proteksiyon nila laban sa pananakot, bilang dahilan laban sa pag-oobliga sa SALN.
Sa nakalipas na mga taon, maraming kontrobersiya sa gobyerno ang mas naresolba sana nang mabilisan kung mayroong umiiral na Freedom of Information Law—kabilang dito ang madalas na pagpalya sa operasyon ng Metro Rail Transit, ang insidente sa Mamasapano, at ang pagkakabunyag ng anomalya sa pork barrel. Ngunit kahit wala ito, nagawa ng mga mamamahayag na makapaglabas ng detalyadong ulat tungkol sa nabanggit na mga usapin.
Sa tulong ng isang FOI executive order mula kay Pangulong Duterte, mas malaki na ang magiging papel ng Philippine media sa pagpapaalam sa publiko ng mga usaping mahalaga at makaaapekto sa kanila, habang magkakaroon naman ng karagdagang dahilan ang mga opisyal upang higit na magpursige at maging tapat sa pagtalima sa mga patakaran at panuntunan ng batas. Ngunit marapat lang na magpatuloy ang mga pagsisikap upang pagtibayin ang isang batas para mas malawak ang sasaklawin at maging mas epektibo ang Freedom of Information Law sa pangasiwaan ng gobyerno ng Pilipinas—sa ehekutibo, lehislatibo, at hudikatura.