Pinaulanan ng bala ng apat na lalaking magkakaangkas sa dalawang motorsiklo ang isang barangay tanod habang nagpapahinga sa kanyang tricycle sa Sta. Ana, Manila, kamakalawa ng hatinggabi.

Dead-on-the-spot si Christopher Granada, 37, alyas “Dagul”, miyembro ng Sputnik Gang, at residente ng 2575 Tejeron Street, Sta. Ana.

Lumilitaw sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 6 na dakong 11:57 ng hatinggabi nang mangyari ang krimen sa Zobel Street, Barangay 783, Zone 85, District 5, sa Sta. Ana, habang nakahigang nagpapahinga ang biktima sa kanyang tricycle at kausap ang isang kaibigan.

Batay sa kuha ng security camera, isang motorsiklo na sinasakyan ng dalawang suspek ang unang tumigil sa tapat ng tricycle ng biktima.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Bumaba ang lalaking nakaangkas sa motorsiklo, na armado ng baril na may silencer, at binaril ang biktima na nahulog sa tricycle.

Tinangka ng biktima na tumayo ngunit ilang beses pa siyang pinaputukan ng suspek.

Makalipas ang ilang segundo, dumating ang dalawa pang suspek, na sakay sa isa pang motorsiklo.

Bumaba ang angkas nito at ilang ulit beses na pinagbabaril ang biktima.

Nang matiyak na patay na ang kanilang target ay mabilis na tumakas ang mga suspek.

Aminado naman ang ilang taga-barangay na dati nang nakulong si Granada dahil sa mga ilegal na gawain, gaya ng snatching, ngunit nagbago na umano ito ngayon.

Inaalam rin ng mga awtoridad kung totoo ang ulat na posibleng alitan sa droga ang dahilan ng pagpatay dahil may napagkuwentuhan umano ang biktima na kapwa tanod nito na may inonse siyang P200 halaga ng shabu. (Mary Ann Santiago)