Mahigpit ang pagtutol nina Senators Paolo “Bam” Aquino IV at Francis Pangilinan sa panukalang inihain ni presumptive House Speaker Pantaleon Alvarez na naglalayong ibaba ang age of criminal liability mula 15 taon sa siyam na taong gulang.

Hinamon ni Aquino ang mga kritiko ng Juvenile Justice and Welfare Act at ang mga nananawagan na ang ibaba ang edad na maaaring managot isang indibiduwal sa ginawang krimen.

Sinabi ni Aquino na hindi siya makapapayag na baguhin ang edad ng mga juvenile delinquent o batang nagkasala na maaaring panagutin sa batas sa harap ng posibilidad ng pagbabalik ng parusang kamatayan.

Umalma ang senador matapos maghain ng resolusyon si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez na naglalayong ibaba ang minimum age of criminal responsibility mula sa kasalukuyang 15 anyos sa siyam na taong gulang.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ipinupursige din ni Alvarez na maipasa ang pagpapabalik sa parusang bitay kaugnay sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kriminalidad.

Nauna nang pinaghinay-hinay ni Pangilinan ang mga mambabatas laban sa pagbabago sa batas na magdidikta sa kinabukasan ng kabataan sa bansa na nangangailangan ng gabay.

Kinontra din ni Pangilinan, pangunahing may-akda ng batas na ipinasa noong 2006, ang mga may-akda na naniniwalang ang mga nagkasalang bata ay “pampered” criminals.

“We should be going after the syndicates, and not the children. What happens if you arrest and prosecute the child alone? What do you do with the syndicates who used them in the first place?” dagdag ng senador.

Nagpahayag naman si Sen. Panfilo “Ping” Lacson ng kahandaan na suportahan ang panukalang susog, binanggit ang paggamit ng mga sindikatong kriminal sa mga bata at idiin na “times have changed.”

“There are 12 years old that can think like a criminal, and is exposed in a world of crime. The workings of his mind are already different. So I suggest that Congress discuss this, but I’m willing to support the move to lower the age of criminal liability,” sabi ni Lacson. (Hannah Torregoza)