Walang makukuhang special treatment mula sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motoristang gumagamit ng plakang “DU30” na lumabag sa batas trapiko.
Ito ang tahasang inihayag ni MMDA Traffic Discipline Office Chief Crisanto Saruca matapos mabatid na dumarami ang motoristang gumagamit sa naturang plaka bilang pagpapakita ng suporta kay Pangulong Duterte.
Ayon kay Saruca, ilang sasakyan na may plakang DU30 ang umano’y namataan sa paglabag sa batas trapiko, tulad ng illegal counter flow at pagpaparada ng sasakyan sa mga ipinagbabawal na lugar.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang mga may-ari ng sasakyan na may plakang DU30 na walang special treatment sa mga ito dahil mahigpit na ipinatutupad ng MMDA ang mga regulasyon at panuntunan sa trapiko.
Kaugnay nito, nilinaw ng Land Transportation Office (LTO) na ang plakang DU30 ay maaaring ilagay sa katawan at likod ng sasakyan, maging sa gilid ng plaka ng LTO, ngunit hindi maaaring ipalit sa tunay na plaka.
Sinabi ng ahensiya na may katumbas na P5,000 multa ang mga mahuhuling lalabag. (Bella Gamotea)