Matapos madiskubreng kabilang siya sa listahan ng illegal drug personalities, boluntaryong sumuko ang kapatid ni Caloocan City Vice Mayor Macario “Maca” Asistio sa Camp Crame sa Quezon City, kahapon.

Sa eksklusibong panayam, sinabi ni Caloocan City Police chief Johnson Almazan na ipinaalam niya sa bise alkalde na minamanmanan ng pulisya ang kapatid nitong si Luisito “Piting” Asistio, Jr., 49, dahil sa pagtutulak at paggamit ng droga.

“I directly told the Vice Mayor (Maca) that his brother was on the list (of illegal drug personalities) that Crame sent us. He then took my cell phone number,” pahayag ni Almazan.

Ito ay matapos magbabala si Pangulong Rodrigo Duterte na susunod niyang ibubulgar ang pangalan ng mga lokal na opisyal na sangkot sa ilegal na droga.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Agad namang binalikan ni Vice Mayor Maca si Almazan sa tawag sa telepono dakong 8:00 ng gabi upang ipagbigay-alam na magtutungo ang bise alkalde sa kanyang himpilan upang isuko si Piting.

Pagdating ng magkapatid na Asistio sa Caloocan City Police, agad na inatasan ni Almazan si Piting na isaad sa isang dokumento ang pagkakasangkot nito sa illegal drug operations, lalo na ang mga personalidad na nagsu-supply ng droga rito.

Iginiit naman ni Chief Insp. Bernard Pagaduna, hepe ng Station Anti-Illegal Drugs Division, na karamihan sa tinukoy ni Piting na supplier ng droga sa dokumento ay patay na.

Sa kanyang pagsuko, tiniyak ni Almazan na 24-oras nilang isasailalim sa surveillance operation si Piting upang matiyak na hindi na ito masasangkot sa operasyon ng ilegal na droga.

“Hindi na kami magdadalawang-isip na siya’y arestuhin kung hindi pa rin siya (Piting) titigil,” iginiit ni Almazan.

(JEL SANTOS)