CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga – Ipinasisibak ni acting Police Regional Office (PRO)-3 Director Chief Supt. Aaron N. Aquino ang pitong pulis sa rehiyon na nagpositibo sa drug test kamakailan.
Hindi pinangalanan ni Aquino ang mga pulis na isasailalim sa dismissal proceedings ng Discipline Law and Order Section ng PRO3.
Gayunman, isa sa mga pulis na inirekomendang sibakin ay miyembro ng backup team na itinalaga para tiyakin ang seguridad ng PRO3 regional director, habang ang anim na iba pa ay nakatalaga sa Angeles City Police Office (ACPO) sa Pampanga.
Sinabi ni Aquino na ang random drug test sa mga pulis sa rehiyon ay kaugnay ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa, na agad na sumailalim sa drug test makaraang maluklok sa tungkulin nitong Hulyo 1.
Isinagawa nitong Miyerkules ang sorpresang random drug test sa 388 pulis-Olongapo sa Camp Cabal.
Ayon kay acting Olongapo City Police Office Director Senior Supt. Jerry Tait Sumbad, layunin ng drug test na tiyaking malinis sa ilegal na droga ang mga pulis sa siyudad.
Para sa mga nagpositibo sa paggamit ng droga, nagbabala si Sumbad na mahaharap ang mga ito sa mga kasong kriminal at administratibo at maaari pang magresulta sa tuluyang pagkakasibak sa serbisyo. (Franco G. Regala)