DATI, sa telebisyon lamang napapanood, hanggang sa puwede na itong laruin sa gameboy at playstation, ngayon, dinala na sa tunay na mundo mula sa virtual world ang ating mga paboritong Pokémon – salamat sa bagong laro na Pokémon GO.

Inilabas ngayong linggo ang Pokémon GO sa Smartphones na may Android Version na 4.4 hanggang 6.0, at ibang iPhone versions sa mga piling bansa sa buong mundo. Nauna itong inilabas sa Australia at New Zealand, at sinundan ng paglabas nito sa US, pati na rin sa Japan.

Upang malaro ang Pokémon GO sa real world, nangangailan ito ng data o WIFI connection, Global Positioning System (GPS), camera at sensors ng smartphone. Gamit ang mga ito ay maaari ka nang mangolekta, makipaglaban, gumamit ng Pokédex at magpalaki ng Pokémon sa smartphone.

Sa larong ito, mararanasan ng player na maging tunay na Pokémon trainer. Sa paglalakad, magba-vibrate ang phone kung may mahahanap na Pokémon. Gamit ang Poké ball, asintahing mabuti ang Pokémon at gamit ang smartphone hulihin ito bago pa makatakas.

Blind Item

Content creator, 'di kinaya ugali ng dating Sang'gre sa concert ng BINI: 'Pipi na ba kayo?'

Samantala, sa paghahanap, maari ring makatagpo ng PokéStops sa sikat na landmarks tulad ng mga monumento at mga parke. Katulad din nito ang pagbuo ng Pokémon gym. Makapupunta ang laro sa punto na kailangang sumali sa grupo na may tatlong miyembro upang protektahan ang gym at ang Pokémon na itinalaga para lumaban.

Habang tumatagal sa paglalaro nito, maari ring makakuha ng mga medal na mailalagay sa profile tuwing makakalagpas sa mga pagsubok kasama ng Pokémon. Nakakatuwa na ang dating napapanood lang sa telebisyon ay nagiging interactive na sa totoong buhay. Gamit lamang ang smartphone, ready to catch ‘em all na.

Ang larong Pokémon GO, na malapit nang buksan sa Pilipinas, ay nasa ilalim ng Pokémon Franchise ng Nintendo at dinibelop ng Niantic Labs. (LORENZO JOSE NICOLAS)