Handa ang Philippine National Police (PNP) na tanggapin ang ayuda ng New People's Army (NPA) sa kampanya ng bansa laban sa ilegal na droga kasunod ng pagtalima ng rebeldeng grupo sa panawagan ni Pangulong Duterte na makibahagi ang mga ito sa digmaan laban sa bentahan ng droga sa bansa.
Ngunit sinabi ni Senior Supt. Dionardo Carlos, tagapagsalita ng PNP, na dapat na may malinaw na koordinasyon sa pagitan ng PNP at NPA kaugnay ng pagtulong ng komunistang grupo sa kampanya ng awtoridad laban sa droga.
“We just want to ensure that the rule of law would be observed,” paliwanag ni Carlos.
Sinabi ni Carlos na mahalagang may guidelines na susundin ang NPA sa pagsasagawa nito ng sariling mga operasyon laban sa ilegal na droga.
Ito, aniya, ay upang matiyak na walang pag-abusong mangyayari na lalabag sa mga patakaran sa pagpapatupad ng batas laban sa ilegal na droga.
Pumayag kamakailan ang NPA, sa pamamagitan ng National Democratic Front (NDF), na ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa gobyerno.
Mahigit apat na dekada nang nakikipaglaban ang nasa 4,000 miyembro ng NPA sa puwersa ng gobyerno, at una nang inihayag ng administrasyong Duterte ang hangaring tuluyan nang tuldukan ito. (Aaron Recuenco)