Bumuo kahapon ng special investigation task group (SITG) ang Southern Police District (SPD) upang tutukan ang pagkamatay ng mag-amang “drug pusher” na nang-agaw umano ng baril sa isang pulis sa loob ng himpilan ng Pasay City Police headquarters kaya binaril nitong Huwebes ng hapon.
Inatasan ni acting SPD Director Tomas Apolinario Jr. si Supt. Nelson Yabut na pamunuan ang imbestigasyon ng binuong SITG upang bigyang linaw ang pagkamatay ng mag-amang Jaypee Bertis, 28, at Renato Bertis, 48, kapwa nakatira sa No. 113 Ignacio Street, Pasay City. Ang dalawa ay unang naaresto sa “hot pursuit operation” sa kanilang lugar.
Nangako si Yabut na pipilitan nilang mabigyan ng linaw ang insidente at mabigyan ng hustisya ang pamilya ng dalawang suspek.
Sinabi naman ni SPD Spokesperson Supt. Jenny Tecson na maaaring magsagawa rin ng “moto propio investigation” ang Internal Affairs Service ng Philippine National Police (PNP) upang maalis ang agam-agam ng publiko sa posibleng sadyang itinumba ng pulisya ang mag-ama upang hindi “kumanta” ang mga ito.
Base sa ulat, dakong 2:00 ng hapon nitong Huwebes nang dakmain umano ng mag-amang Bertis ang baril ng isa sa mga pulis ng Police Community Precinct (PCP)-4 na nagdala sa kanila para ikulong sa detention cell sa loob ng tanggapan ng Station Anti-Illegal Drugs (SAID).
Dahil dito, napilitang pagbabarilin ng pulis ang mag-ama na kapwa dinala sa Pasay City General Hospital subalit binawian din ng buhay ang mga ito. (Bella Gamotea)