federer copy

Federer, bumigay sa five-setter; record sa Wimby, naunsiyami.

LONDON (AP) — Mistulang imortal na nadomina ni Roger Federer ang Grand Slam championship sa mahabang panahon dahil sa kontroladong kilos at kahanga-hangang footwork.

Ngunit, sa isang hindi pangkaraniwang sitwasyon, nasaksihan ng mundo ang 17-time Grand Slam champion na nakasubsob sa Centre Court nang aksidenteng magsangga ang kanyang mga paa sa paghahabol sa bola at matumba sa krusyal na sandali ng kanyang Final Four match sa Wimbledon nitong Biyernes (Sabado sa Manila).

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Sa naturang tagpo, kumbinsido ang lahat na tulad ng iba, dumarating ang kahinaan sa isang tulad ni Federer.

Kinapos ang kampanya ni Federer na maitala ang makasaysayang 11th final appearance sa Wimbledon – isa sa apat na major tournament sa tennis – nang maungusan ng No.6 seed na si Milos Raonic, 6-3, 6-7 (3), 4-6, 7-5, 6-3.

“This one clearly hurts, because I felt I could have had it. So close,” pahayag ni Federer, kaagad na isinailalim sa pagsusuri ang naoperahang tuhod bunsod ng hindi pangkaraniwang pagkatumba sa laro.

“It was really so, so close,” aniya.

Tunay na abot-kamay niya ang panalo.

Kailangan na lamang ni Federer nang isang puntos para makuha ang service at makumpleto ang panalo sa fourth set, ngunit naagaw ni Raonic ang momentum at naitabla ang iskor sa 4.

Nakuha ng 25-anyos na si Raonic ang bentahe nang makapuntos sa service winner sa palong may bilis na 139 mph, para tanghaling kauna-unahang Canadian player na nakausad sa Grand Slam finals.

“I sort of persevered. I was sort of plugging away,” pahayag ni Raonic, nakapagtala ng 23 ace sa palong umabot sa bilis na 144 mph.

“I was struggling through many parts of the match. He gave me a little opening towards the end of the fourth. I made the most of it.”

Tatangkain ni Raonic na maging kauna-unahang Canadian na nagwagi ng Grand Slam title sa pakikipagtuos kay British hero at No. 2 Andy Murray sa championship round. Magaan na nakausad si Murray kontra No. 10 Tomas Berdych 6-3, 6-3, 6-3.

Sa edad na 35, si Federer sana ang pinakamatandang player na makapaglalaro sa finals ng All England Club mula noong 1974. Kasosyo siya nina Pete Sampras at William Renshaw (naglaro noong 1800s) na may pitong Wimbledon title.

Subalit, sa nakalipas na taon, tila bumababa na ang gilas ni Federer, huling nagkampeon dito noong 2012.

“I can’t believe I served a double-fault twice. Unexplainable for me, really. Very sad about that and angry at myself because never should I allow him to get out of that set that easily,” aniya.

“But I don’t slip a lot. I don’t ever fall down. It was a different fall for me than I’ve ever had.”